LAMBANOG AT HUNTAHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
nangangagat ang kulisap buti't nakapantalon
mabuti't mga kasama'y may lambanog na baon
bago kami magpahinga't magsitulog sa karton
lambanog ay karamay sa aming huntahan doon
napag-uusapan hindi ang sakit ng kalamnan
kundi marangal na layon ng mahabang lakaran
nagsimartsa'y ilang araw na sakaha'y iniwan
upang dalhin ang hinaing sa kinauukulan
huntahan habang nagsisipagbarik ng lambanog
lalaugan ma'y nilulumot hanggang sa mayugyog
na kahit pangit ang tulugan, maganda ang tulog
at napapanagimpan ang diwatang iniirog
saanman, ang pakikisama'y di maiiwasan
sa marangal na layon, may lambanog at huntahan
- kinatha sa Pamplona 1 Sports Complex sa Brgy. Pamplona Uno, Las Piñas noong Abril 17, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento