Sabado, Hunyo 18, 2011

Habang Papalubog ang Araw

HABANG PAPALUBOG ANG ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mag-isa kong tinutungga ang beer sa isang kubo
ang nasa gunita'y ang magandang ngiti't mukha mo
habang ang paglubog ng araw kanina'y tanaw ko
at minamasdan ang pangarap sa kanyang pagyao

bakit, sinta ko, sa akin ay parang umiiwas
kahit sa facebook, ako'y unti-unti mong kinaltas
sa puso ko'y lumalatay ang iyong mga hampas
dahil ba iba ka't iba ang aking nilalandas

alam mong nais kitang isama sa pagbabago
upang itayo ang isang lipunang makatao
na ang bawat karapatan ay totoong serbisyo
ngunit kung nais mong ako na'y magbago'y turan mo

pagkat lahat naman ng ito'y mapapag-usapan
upang sa pangarap ko'y makasama kang tuluyan
o sa pangarap mo'y makasama ako't kagampan
habang binubuo'y isang bagong kinabukasan

bakit imbis bukangliwayway, paglubog ng araw
ang aking matatamasa't lagi nang matatanaw?
pwede ka bang makasama pagkat buhay ko'y ikaw?
o iwi kong puso'y nais mong dumugo't malusaw?

nasa alaala kita habang kinakatha ko
ang taludturang hinabi ng hangarin sa iyo
masid sa pangarap ang magandang mukha't ngiti mo
habang mag-isa kong tinutungga ang beer sa kubo

Kay F

KAY F
ni greg
13 pantig bawat taludtod

laging nag-iisa, iniisip ka, sinta
at sa panaginip, ako'y dinalaw mo na
reyunyong magkaklase sa elementarya
nang makitang ikaw pa ri'y napakaganda

ngunit hanggang ngayon ikaw pa ri'y dalaga
sino kaya ang hinihintay mo, ako ba?
guniguni ko lang ba ito't sapantaha?
ako nga ba sa iyo'y dapat bang umasa?

pwede ko bang pasukin ang iyong daigdig
upang iluhog yaring kimkim kong pag-ibig
nang ikaw na mahal ko'y aking makaniig
tulad ng rosas sa lupa'y aking madilig

makasaysayang pagkikita ang nilandas
halos tatlumpung taon na yaong lumipas
ngunit ngayon tila ba ikaw'y umiiwas
kaya dugo sa puso ko'y panay ang tagas

alam mong crush na kita sa elementarya,
dalagita ka noon, ngayon na'y diyosa
sa high school at kolehiyo'y di na nagkita
pagkat eskwelahan na nati'y nagkaiba

iniingatan sa puso'y muling nabuhay
sa unos, ikaw ang aking bukangliwayway
inisip kong tumigil na sa paglalakbay
kung ikaw na'y makakasama habambuhay

ngunit tila ba ako'y nabuhay sa hapis
kahit na hangarin ko sa iyo'y kaylinis
para bang ang lahat ng swerte ko'y umalis
ngunit di ko magawang sa iyo'y mainis

pagkat ang pagmamahal ay di sapilitan
kung sakaling pulutin ako sa kangkungan
sana naman, mahal, iyong pakatandaan
na ikaw nga'y inibig ko na noon pa man