Martes, Nobyembre 14, 2017

Nahihimbing na karapatan (2)

NAHIHIMBING NA KARAPATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludto

dapat gisingin mo ang mga diwa nila
na may karapatan kang dapat makilala
baka yaong diwa nila’y nahihimbing pa
habang sila nama’y winawalanghiya ka
karapatan ay huwag hayaang mahimbing
kaya dapat ang puso’t diwa’y laging gising

tandaang mong may karapatan bawat isa
na dapat maramdaman nila’t makilala
tandaang may karapatan ang bawat masa
na kaakibat na ng pagkatao nila
karapatan ay huwag hayaang mahimbing
kaya dapat ang puso’t diwa’y laging gising

huwag nyong hayaang kayo’y maagrabyado
ng mga mapagsamantalang pulitiko
at mga gahamang kapitalistang tuso
na ang laging adhika’y pagtubuan tayo
karapatan ay huwag hayaang mahimbing
kaya dapat ang puso’t diwa’y laging gising

karapatan natin ay dapat irespeto
dapat kilalanin ng sinumang gobyerno
at upang tunay nga nating manamnam ito
sistemang bulok ay ibasurang totoo
palitan na ang sistemang kapitalismo
itayo ang isang lipunang makatao

* ang tulang ito'y orihinal na naisulat noong Agosto 10, 2010, at idinagdag ang tatlong huling taludtod na binasa sa aktibidad na Sining Tagpuan na ginanap sa Komisyon sa Karapatang Pantao, Nobyembre 13, 2017, kasabay ng aktibidad ng CSOs ng ASEAN dito sa Pilpinas