ANG TULANG "ESTREMELENGGOLES" SA PANAHON NG COVID-19
nabasa ko na noon ang tula ni Rio Alma
na "Estremelenggoles" ang ipinamagat niya
hinggil sa sakit na sa isang bansa'y nanalasa
at ang hari'y nag-atas na lutasin ang problema
ang sakit na yaon ay COVID-19 ang kapara
tula niya'y sa utak ko na lang natatandaan
pagkat wala sa akin ang aklat na katibayan
marahil nasa ibang bahay o nasa hiraman
ngunit "Estremelenggoles" ay di ko nalimutan
lalo't nananalasa ang COVID-19 sa bayan
maraming namatay sa sakit, kahila-hilakbot
samutsari na'y ginawa ng mga manggagamot
upang malunasan ang sakit na sa madla'y salot
nilinis ang buong paligid, basura'y hinakot
di malaman kung saan mula ang sakit na dulot
problema'y di malunasan, palala ng palala
ngunit nilutas ng makata sa dulo ng tula
hari'y nagbigti, Estremelenggoles, biglang-bigla
sakit ay nawala, kaya buong baya'y natuwa
aral: COVID-19 ay malulunasan ding pawa
- gregbituinjr.
03.20.2020
Biyernes, Marso 20, 2020
Ang maglingkod sa bayan
ANG MAGLINGKOD SA BAYAN
"The most fulfilling life is the life in service of others." ~ Edgar Jopson
mabuhay ka, Edgar Jopson, sa iyong sawikain
na sa pakiwari ko sa bayan ay tagubilin
magandang prinsipyong nararapat lamang yakapin
pagkat di makasarili, maganda ang layunin
iyan din ang panuto sa nagisnang paaralan
mula elementarya, hayskul hanggang pamantasan
maglingkod, di sa sarili, kundi sa kapwa't bayan
di magpayaman, kundi maglingkod sa sambayanan
sa Kartilya ng Katipunan, aral nito'y ambag
sa unang taludtod pa lang nito'y mapapapitlag
buhay na di ginugol sa layuning anong rilag
ay kahoy na walang lilim o damong makamandag
hanggang ngayon, aral na iyan ay magandang gabay
nang magkaroon ng kabuluhan ang iwing buhay
kaya ayokong nakatunganga o nakatambay
magsikhay, di sa sarili, kundi layuning lantay
"Iisa ang pagkatao ng lahat," itong sabi
ni Gat Emilio Jacinto, bunyi nating bayani
kaya sa buhay na ito sa bayan ay magsilbi
buhay na may layunin, di maging makasarili
- gregbituinjr.
03.20.2020
Kamayan Forum, Tatlong Dekada
KAMAYAN FORUM, TATLONG DEKADA
Kamayan para sa Kalikasan Forum, pagbati
At kayo'y nakatatlong dekadang nananatili
Mahusay ang pamumuno't sadyang pagpupunyagi
At di tumigil sa inyong pagkilos na masidhi
Yumabong pa sana kayo't nawa'y naritong lagi
Ako'y taospusong nagpupugay sa inyong lahat
Na kung wala kayo, ako'y wala rin ditong sukat
Forum na maraming kamaliang isiniwalat
O tinalakay kung saan problema'y siniyasat
Rinig at dama ang kalikasang inuurirat
Upang bakasakaling malutas na ang problema
Masa'y mamulat, kalikasa'y alagaan nila
Tatlong dekada na ang Kamayan Forum, tatlo na
At patuloy pang iiral ang forum sa tuwina
Tunay ngang inambag ng forum sa bansa'y pamana
Lagumin ang kasaysayan ninyo'y kaysarap damhin
Oo, pagkat tatlong dekada'y kaygandang limiin
Na pati pintig ng kalikasan ay ating dinggin
Green Convergence, SALIKA, CLEAR, sa iba'y salamat din
Dedikasyon ninyo sa forum ay dapat purihin
Edukasyon ang alay ng forum sa sambayanan
Kabataan, manggagawa, masa, kababaihan
Ah, Kamayan Forum, dapat ka lang pasalamatan
Dahil inspirasyon ka't ambag mo'y makasaysayan
Ang pasalamat nami'y tagos sa puso't isipan
- gregbituinjr.
03.20.20
* Pagpupugay sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan Forum sa kanyang ikatatlumpung (30) taon ngayong Marso 2020. Isinilang ang kauna-unahang Kamayan para sa Kalikasan Forum noong Marso 1990 sa Kamayan Restaurant EDSA. Pagpupugay din sa Triple V Restaurant sa patuloy ninyong pagsuporta sa buwanang talakayang ito. Mabuhay kayo!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)