Linggo, Marso 10, 2024

"Karahasan, Wakasan!" ~ Oriang

"KARAHASAN, WAKASAN!" - ORIANG

"Karahasan, Wakasan!" ang panawagan ng Oriang
sa plakard na bitbit ay malinaw na makikita
ito'y mensaheng sa puso't diwa'y dapat malinang
nang karapata'y maipaglaban natin at nila

sadyang dapat wakasan ang anumang pandarahas
sa kababaihang kalarawan ng ating nanay
kaya dapat matayo ang isang lipunang patas
nagpapakatao't palakad ay sistemang pantay

iyon ay napapanahong mensaheng hindi kapos
kundi pangungusap na palaban, tagos sa diwa
na nananawagang tapusin ang pambubusabos
sa kababaihan, sa bata, dukha't manggagawa

mensahe iyong taaskamao nating yakapin
patuloy na mag-organisa, masa'y pakilusin

- gregoriovbituinjr.
03.10.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Araw ng Kababaihan, Marso 8, 2024, sa Morayta, Maynila

Tulad ng ligaw na halaman

TULAD NG LIGAW NA HALAMAN

saanman mapadpad ang tibak na tulad ko
parang ligaw na halaman, tutubo ako
itatanim ko ang binhi ng sosyalismo
sa matabang lupa'y patutubuin ito

nais kong lipunang makatao'y malikha
habang nililipol bawat damong kuhila
sasagipin ang mga inang lumuluha
na mahal na anak ay in-EJK sadya

oorganisahin ang kapwa mahihirap
upang maitayo ang lipunang pangarap
lipunang ang lahat ng tao'y nagsisikap
nagpapakatao't sa kapwa'y mapaglingap

ganito mangusap ang tibak na Spartan
di dungo, masa'y tinuturuang lumaban
para sa kinabukasan at karapatan
upang makamit ang hustisyang panlipunan

- gregoriovbituinjr.
03.10.2024

Ulat: Pagkitil ng buhay

ULAT: PAGKITIL NG BUHAY

dalawang magkatabing ulat ang natunghay
sa di pa panahong pagkawala ng buhay
edad siyam, ni-rape/slay ng kapitbahay
may nagbigti sa puno at nagpakamatay

nakitang patay ang isang batang babae
puno ng pasa, panggagahasa'y posible
sa isang compound, isang lalaki'y nagbigti
baka doon pa ang trabaho ng lalaki

may foul play o sadyang nagbigti? aking tanong
dapat imbestigahan, sinong isusuplong?
marahil ay pinaslang ng sa droga'y lulong
ang batang babae, hustisya ay isulong!

nawa'y magkaroon ito ng kalutasan
upang damhin ng pamilya'y kapanatagan

- gregoriovbituinjr.
03.10.2024

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 9, 2024, p.2

3 endangered species, nasagip sa Quezon

3 ENDANGERED SPECIES, NASAGIP SA QUEZON

mabuti't nasagip ang tatlong endangered species
nakitang pawikan sa aplaya ng Tayabas Bay
olive ridley sea turtle sa Barangay Dalahican
ang Eastern Grass Owl sa Awasan, Tabang, Tagkawayan

endangered species dahil sila na'y nanganganib
mawala dahil kaunti na lang sila sa liblib
ang extinction nila'y baka di na natin malirip
mabuti't ngayon pa lang, ispesyi nila'y nasagip

nasabing pawikan ay may tatlumpung kilong bigat
pagong ay animnapu't walong sentimetrong sukat
ang kuwago naman sa Sitio Awasan nasipat
ngayo'y ibinalik sa natural nilang habitat

maraming salamat sa nakasagip sa kanila
ibig sabihin, daigdig pa rin ay may pag-asa

- gregoriovbituinjr.
03.10.2024

* balita mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 9, 2024, pahina 9