Martes, Oktubre 13, 2015

Walang tulugan

WALANG TULUGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

libutin mo ang lungsod, masdan ang mga lansangan
mga bata'y walang tulugan sa tuwid na daan
nasa sementong kaylamig pagdatal ng karimlan
sinong sisisihin: pamilya o pamahalaan

ngunit pinanggalingang pamilya'y pawang hirap din
walang sariling bahay, nagdidildil din ng asin
nagtitiyaga na lang sa pagpag nang may makain
ngunit dahil sa kasalatan, di man lang mahirin

walang kinabukasan, pumumpuno ng balakid
ang sa kanila'y pasalubong ng daang matuwid
sila'y mga yagit, hindi kapwa, hindi kapatid
magsisilaki ba silang perwisyo yaong hatid

sa TV nga'y sabi ni Kuya Germs, "Walang tulugan!"
at kayrami ngang batang sa gabi'y walang tulugan
ang matindi pa'y matutulog ng walang hapunan
magtitiis sa lamig, mahahamugan ang tiyan

sa kahirapan, mga batang hamog silang saksi
sa tila walang kinabukasan nilang paglaki
danas na karukhaan at gutom ay papatindi
pamahalaan sa tulad nila’y di nagsisilbi

tulog na tulog ang mga batang walang tulugan
walang sapin kahit man lang karton ng alinlangan
ito bang bukas na pamana ng tuwid na daan
aabutin ng umagang tulog sa kagutuman

Higaan nila'y karton ng alinlangan

HIGAAN NILA’Y KARTON NG ALINLANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

at kung tawagin sila'y mga batang hamog
sa karukhaan katawan ay nabubugbog
buhay nila'y takipsilim, tila palubog
animo'y wala nang pangarap na kaytayog
bakit sa dusa't hirap sila'y nalalamog
pamahalaan ba'y kailan mauuntog

sa araw ay pagala-gala sa lansangan
tila ba wala naman silang pupuntahan
pagsapit ng gabi'y karton ang hihigaan
punumpuno ng agam-agam, alinlangan
may aasahan pa ba sa kinabukasan
pasakit bang lagi ang kanilang daratnan