Huwebes, Abril 6, 2023

Tarang mag-almusal

TARANG MAG-ALMUSAL

tara, mga kasangga sa abang lipunan
at magsalo tayo sa payak na agahan
talbos ng kamote't petsay ang ating ulam
mga gulay na pampalakas ng katawan

may kamatis pang pampaganda raw ng kutis
mga gulay para sa katawang manipis
pampagaan ng loob kahit nagtitiis
sa hirap basta pamumuhay ay malinis

tara nang mag-almusal bago pa maglakbay
sa ating mga paroroonan at pakay
habang narito tayong simpleng namumuhay
ay lumalakas itong katawan sa gulay

muli, tarang magsalo sa munting almusal
upang may lakas tayo kahit napapagal

- gregoriovbituinjr.
04.06.2023

Mga pinaslang na Pinay sa Kuwait

MGA PINASLANG NA PINAY SA KUWAIT

kayrami palang Pinay na pinaslang sa Kuwait
si Jullebee Ranara ang huli, nakagagalit
nariyan din ang kaso ni Joanna Demafelis
na bangkay pa'y nilagay sa freezer, ito na'y labis

sina Constancia Dayag at Jeanelyn Villavende
ang dalawa pang Pinay na talagang sinalbahe
sana'y magkaroon ng hustisya sina Jullebee
at ang mga nabanggit na pinaslang pang babae

sila na'y minaltrato, aba, sila pa'y inutas!
bakit ba nagpapatuloy ang ganyang pandarahas?
sa mga Pinay na nagtatrabaho ng parehas
upang mapakain ang pamilya sa Pilipinas

paano bang pagmaltrato sa kanila'y mapigil
na mga karapatan bilang tao'y nasisikil
deployment ng Pinay workers sa Kuwait, itigil!
bago may iba pang buhay ng Pinay na makitil

dahil sa hirap ng buhay sa bansa, umaalis
ang mga kababayan, sa Kuwait nagtitiis
dapat talagang magkaroon ng aksyong mabilis
upang hustisya'y kamtin, huwag na ring magpaalis!

- gregoriovbituinjr.
04.06.2023

* Pinaghalawan ng ulat: pahayagang Pang-Masa, Marso 26, 2023, pahina 3

Madaling araw pa naman

MADALING ARAW PA NAMAN

maagang nakatulog dahil marahil sa pagod
subalit nagising din naman ng madaling araw
ikawalo pa lang ng gabi'y agad nakatulog
subalit nagising nang diwata'y aking natanaw

matamis kaming nag-usap, animo'y pulotgata
maya-maya'y naglimayon kami sa alapaap
ng pagsuyo't paglaho, ipinahayag ang pita
nitong dalawang pusong patuloy sa pangangarap

ginising upang ibulong ng musa ng panitik
ang mga katagang isasama ko sa pagkatha
at pag naisulat ko na'y hihimbing at hihilik
sa bisig ng diwatang talaga kong minumutya

nais ko pang umidlip, madaling araw pa naman
upang di antukin sa buong araw na magdaan

- gregoriovbituinjr.
04.06.2023

Kalbaryong krisis ng maralita

KALBARYONG KRISIS NG MARALITA

kwaresma, inaalala ng dukha ang kalbaryo
ginugunita ang paghihirap ni Hesukristo
panlilibak, panghahamak, inalalang totoo
na kapara'y kalbaryo ng kahirapan ng tao

higit dalawang libong taon na ang nakaraan
ay laganap pa rin ang paghamak at kaapihan
ng nakararami sa sibilisadong lipunan
kabulukan ng sistema'y ating nararanasan

nilayin ang buhay ni Kristo sa panahon niya
na laganap na noon ang kawalan ng hustisya
mga kawal na Hudyo pa ang sa kanya'y nagdala
sa bundok ng Kalbaryo't doon ipinako siya

ihambing sa buhay ng dukha sa panahong ito
kayrami nang pinagsasamantalahang obrero
ginagawang kontraktwal ng kapitalistang Hudyo
di maregular gayong kaytagal na sa trabaho

nagpapatuloy pa ang ebiksyon at demolisyon
dukha'y tinataboy sa malalayong relokasyon
walang serbisyong panlipunan, wala pang malamon
iba'y walang relokasyon, pulos bahala iyon

mga ginawa ni Kristo'y sadyang makasaysayan
mahalagang papel sa pagbabago ng lipunan
muling pagkabuhay n'ya'y pagkamit ng katarungan
at lipunang walang kaapihan, sana'y makamtan

- gregoriovbituinjr.
04.06.2023