Martes, Marso 9, 2010

Dyaryo nami'y di pambalot ng tinapa

DYARYO NAMI'Y DI PAMBALOT NG TINAPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Kami'y mga dyaristang nagmamahal sa trabaho
Lalo sa aming paggawa ng artikulo't dyaryo
Maraming tao rin naman ang nagbabasa nito
Kahit minsan natatanggap nami'y pang-iinsulto.

Parang pambalot daw ng tinapa ang aming dyaryo
At dyaryo-dyaryuhan lang daw ang gawa naming ito
Gayong pinaghirapan namin bawat labas nito
At pinaghusayan ang pagsulat ng artikulo.

Mga kapitalista'y nga'y kayhilig mang-insulto
Ng mga aktibistang nagpapagod na sa dyaryo
Mang-insulto man yaong mga elitistang ito
Hindi kami titigil sa pagmulat ng obrero.

Pinipilit naming pagandahin ang bawat labas
Ng dyaryo kulang man sa manunulat na madulas
Kahit natatanggap pulos insulto pang marahas
Ngunit pang-iinsulto'y di dapat pinalalampas.

Ininsulto rin nila ang mambabasang obrero
Tulad ng pang-insulto nila sa naghirap dito
Ginagampanan naming husay ang aming trabaho
Mag-letter-to-the-editor lang kung may puna rito.

Itutuloy namin ang paggawa ng pahayagan
Pagkat tungkulin namin ay di dapat pabayaan
Kaysa maghintay kami ng ilang linggo o buwan
Na may tutulong na ring mesiyas sa pahayagan.

Kapitalista'y nag-aari ng maraming dyaryo
Na pinalalaganap ay diwang kapitalismo
Pahayagan namin naman ay ari ng obrero
Na dapat lang naman nating suportahan ng todo.

Tagtuyot

TAGTUYOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mainit ang simoy ng hangin sa kanluran
kaya nayayanig ang aking katauhan
tila ba panganib yaong magdaraan
na baka magdulo din sa kapahamakan

magtatagtuyot na kaya may kakulangan
ng tubig sa mga pananim at sakahan
lalo't inuming kailangan ng katawan
baka pati ulo'y uminit ng tuluyan

habang nagbabago ang klima nitong bayan
anumang epekto'y ating mararamdaman
tiyak sa bawat araw ay maalinsangan
na maaring dulot at uhaw, kagutuman

ang hanging dumaratal ay pakiramdaman
ang sakahang natuyo'y suriin at masdan
kaya nararapat lang itong paghandaan
ng tao, ng bayan, at ng pamahalaan

Ang Tubig (Tugon kay Bayang)

ANG TUBIG (TUGON KAY BAYANG)
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

(Tubig o dampian mo ang tuyo kong damdamin..hugasi ang kalibutang akong gipuy-an!!!!! Ulan!!! Ulan!!!! Ulan!!!! Ulan!!!!! - ayon kay Bayang Barrios sa Facebook)

Tubig ang pandampi sa tuyong damdamin
Upang magkabuhay ang ugat na angkin
Ngunit anong tubig ang padadampiin
Luha ba ang dito'y dapat padaluyin?

Ngunit kung nais mo'y pagdatal ng ulan
Katulad mo akong nangangarap niyan
Upang madiligan ang lupang sakahan
Basta't huwag lamang baha ang daraan.

Kung ako ang tubig na siyang dadaloy
Sa tuyong damdamin mong tila may apoy
Babasain kita upang magpatuloy
Ang adhikain mo sa bayang niluoy.

Apoy Kapoy

APOY KAPOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

namamatay ang apoy
kung ubos na ang kahoy

katawa'y naluluoy
pag laging kinakapoy

gobyerno'y nabababoy
pag namumuno'y baboy

Usapang OG - ilang kakornihan

USAPANG OG - Ilang Kakornihan
ni greg
8 pantig

ang mangarap ng matayog
kung lumagpak ay lagabog

upang bukas mo'y mahubog
huwag kang patulog-tulog

di dapat magpakahambog
nang buhay mo'y di lumubog

huwag maggamot ang sabog
baka utak na'y makalog

mag-ingat lagi sa sunog
baka bahay mo'y madurog

di ka dapat nagdadabog
sa asawang maalindog

tarzan ng bayan ay si Og
sa kumunoy di mahulog

sa away, huwag palamog
baka ilong mo'y sumabog