Martes, Marso 9, 2010

Dyaryo nami'y di pambalot ng tinapa

DYARYO NAMI'Y DI PAMBALOT NG TINAPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Kami'y mga dyaristang nagmamahal sa trabaho
Lalo sa aming paggawa ng artikulo't dyaryo
Maraming tao rin naman ang nagbabasa nito
Kahit minsan natatanggap nami'y pang-iinsulto.

Parang pambalot daw ng tinapa ang aming dyaryo
At dyaryo-dyaryuhan lang daw ang gawa naming ito
Gayong pinaghirapan namin bawat labas nito
At pinaghusayan ang pagsulat ng artikulo.

Mga kapitalista'y nga'y kayhilig mang-insulto
Ng mga aktibistang nagpapagod na sa dyaryo
Mang-insulto man yaong mga elitistang ito
Hindi kami titigil sa pagmulat ng obrero.

Pinipilit naming pagandahin ang bawat labas
Ng dyaryo kulang man sa manunulat na madulas
Kahit natatanggap pulos insulto pang marahas
Ngunit pang-iinsulto'y di dapat pinalalampas.

Ininsulto rin nila ang mambabasang obrero
Tulad ng pang-insulto nila sa naghirap dito
Ginagampanan naming husay ang aming trabaho
Mag-letter-to-the-editor lang kung may puna rito.

Itutuloy namin ang paggawa ng pahayagan
Pagkat tungkulin namin ay di dapat pabayaan
Kaysa maghintay kami ng ilang linggo o buwan
Na may tutulong na ring mesiyas sa pahayagan.

Kapitalista'y nag-aari ng maraming dyaryo
Na pinalalaganap ay diwang kapitalismo
Pahayagan namin naman ay ari ng obrero
Na dapat lang naman nating suportahan ng todo.

Walang komento: