KAPARA KO'Y BINHING SA PUTIK IBINAON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
kapara ko'y binhing sa putik ibinaon
na hanap ay liwanag sa pagkatilapon
ako'y nakikibaka sa bawat maghapon
at mamumunga ito sa takdang panahon
naiwasan ko ang ahas na makamandag
tuloy ang pagkilos sa maghapo't magdamag
sa akin pa'y hinarap ay kaygandang dilag
prinsipyo ko'y tinanganan, di napalaspag
binhi akong sa putik biglang nagkabuhay
sumuloy ang ugat sa katawang nahimlay
tinubuan ng dahon, sanga't gintong uhay
dagta ko'y pasalubong sa bukangliwayway
tulad ko ma'y binhing napalibing sa putik
daan-daanan man ng sangkaterbang hantik
nabuhay ako't lumagong may bungang hitik
habang hustisya't katwiran ang nasa't hibik