Huwebes, Oktubre 2, 2014

Pagninilay sa Climate Walk

PAGNINILAY SA CLIMATE WALK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kaming Climate Walkers ay naglalakad
hustisyang pangklima ang hinahangad
nakatindig man o kaya'y sumadsad
sa aming layunin, kami'y uusad
darating din, banayad man ang lakad

hanggang Tacloban magmula Luneta
lalakbayin ng aming mga paa
sanlibong kilometro, milya-milya
hanggang marating at aming makita
ang mga kapatid na nasalanta

ang dinanas nila'y sadyang kaylupit
sa bawat pamilya'y sadyang kaysakit
ang Yolanda'y di na dapat maulit
ang aming hangad habang papalapit
na katarungang pangklima'y makamit

- sinimulan sa Luneta, tinapos sa Muntinlupa, Okt. 2, 2014


* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Ang Climate Walk bilang pasasalamat

ANG CLIMATE WALK BILANG PASASALAMAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di lang dahil sa samahan kaya naglakad
sa Climate Walk kundi dahil doon ay ipinadpad
upang ibahagi rin ang buhay ko't palad
at sa pamamagitan ng tula'y maglahad
ng nangyayari sa lipunan, komunidad

sa bahay, si Ondoy ay kaytinding nanalasa
si Pedring ay sinalanta ang opisina
baha sa Sampaloc ay kinalakihan na
bahagi ba ng buhay ang pananalanta
di ba dapat isiping "Tama na! Sobra na!"

sa usaping kalikasan, ina ko'y guro
nuong ako bata't madalas marahuyo
sa anumang kalikutan at paglalaro
magdilig ng halaman ang unang tinuro
kalikasan animo'y dapat sinusuyo

hanggang isang araw kapatid ko'y nanganib
tatlong taon siya noon, wala pang isip
nahulog mula sa taas, buti't nasagip
ng punong gumamelang palagi kong dilig
salamat po, ina, sa pag-ibig mong tigib

kaya sa usaping kalikasan, asahan nyo
di man kasama si ina, nariyan ako
kaya sa Climate Walk, nakiisang totoo
di lamang opisyal, personal ding lakad ito
bilang pasasalamat kay ina't sa mundo

- sinimulan sa liwasan ng St. Joseph Academy at Bamboo Organ Church sa Las Piñas, Oktubre 2, 2014, kaarawan ko ang umpisa ng lakad, tinapos sa Muntinlupa Sports Center

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda