Lunes, Abril 3, 2023

Mga binasang makata sa soneto

MGA BINASANG MAKATA SA SONETO

ang soneto'y tulang may labing-apat na taludtod
ang sikat na lumikha nito'y sina William Wordsworth,
William Blake, William Shakespeare, William Lisle Bowles, Thomas Hood,
William Butler Yeats, William Bell Scott, Matthew Arnold

Leigh Hunt, Mathilde Blind, Petrarch, John Keats, John Donne, John Milton 
William Cullent Bryant, Robert Burns, Theodore Watts-Dunton
William Morris, Edgar Allan Poe, Alfred Lord Tennyson
Percy Bysshe Shelley, Christina Rosetti, Lord Byron

iba-iba rin ang tugma ng sonetong kaydami
may A.B.A.B., C.D.C.D., E.F.E.F., G.G.
may A.B.B.A., A.B.B.A, C.D.E., C.D.E,
estilong Shakespeare ng England at Petratch ng Italy

binabasa-basa ang kanilang kathang soneto
baka makagawa nito't sa kanila'y matuto

- gregoriovbituinjr.
04.03.2023

Panitikan

PANITIKAN

panitikan ang isa sa aking piniling landas
bukod sa aktibismo't asam na lipunang patas
mga yakap na adhikang sa puso't diwa'y wagas
na sa katawan at pagkatao'y nagpapalakas

ah, di pampalipas-oras lang ang gawaing ito
pagbabasa ang kalakhan ng araw at gabi ko
pag may kaunting pera'y nangongolekta ng libro
na akda ng mga awtor at makatang idolo

isa sa dahilan upang mabuhay at bumuhay
bagamat di ito ang nagisnan kong hanapbuhay;
sa mundo ng panitikan ako'y napapalagay
na anumang balakid ay nalulutas na tunay

kaya araw-gabi'y naging bisyo na ang pagtula
nang ipadama't iparating ang katha sa madla;
kumakatha rin ng maikling kwento sa Taliba
na publikasyon naman ng samahang maralita

ganyan ko ginagawa ang pagsisikap na tupdin
ang abang misyon ko sa mundo't sa mga sulatin;
makapagsulat ng nobela'y isa pang layunin
di pa nasimulang pangarap ngunit nais gawin

- gregoriovbituinjr.
04.03.2023

Diksiyonaryo

DIKSIYONARYO

wala man sa pamantasan
wika'y pinag-aaralan
sanggunian ay nariyan
na kapaki-pakinabang

makata'y tapat sa wika
pagkat gamit sa pagtula
hanap ay tamang salita
para sa sukat at tugma

gamit ang diksiyonaryo
at sa aklat ay glosaryo
palalaguing totoo
ang ating bokabularyo

gamit ang talatinigan
sa pagkatha't talastasan
pati talahuluganan
maging talasalitaan

kayrami nating salita
kung hagilap ay katugma
na magagamit sa tula
at sa pananalinghaga

payak man ang adhikain
wika'y ating payabungin
lagi nating salitain
at sa pagkatha'y gamitin

sa tula, kwento, sanaysay
inakda'y di man dalisay
ang wika'y sadyang makulay
pag gamit sa pagsalaysay

- gregoriovbituinjr.
04.03.2023