Miyerkules, Abril 14, 2021

Pag-iipon ng plastik upang gawing ekobrik

PAG-IIPON NG PLASTIK UPANG GAWING EKOBRIK

patuloy akong nag-iipon ng basurang plastik
di dahil ang mga binibili ko'y nakaplastik
hangga't maiiwasan, di magpapatumpik-tumpik
ngunit kayraming produktong sa plastik isiniksik

single-use plastic nga'y aking sinubukang iwasan
kaya may dalang ecobag pagpuntang pamilihan
mayroon ding bag na tela na isa ring lalagyan
ng bibilhin tulad ng gulay, tuyo't delata man

kaya hangga't kayang iwasan, iwasan ang plastik
subalit kung may plastik diyan, tayo na'y umimik
manita ng magalang, subalit di mabalasik
habang pinaplano rin ang paggawa ng ekobrik

ito'y gawaing pagbabakasakaling totoo
isiksik ang plastik sa maluluwag na espasyo
tulad ng boteng plastik kung wala nang laman ito
kung saan ginupit na plastik ay ipasok dito

isiksik ng todo rito't patigasing parang brick
huwag haluan ng anuman kundi purong plastik
maaaring gawing lamesa't silya ang ekobrik
pinagdikit na boteng plastik na talagang siksik

- gregoriovbituinjr.

Kaytinding bilang ng nako-COVID

KAYTINDING BILANG NG NAKO-COVID

nakabibigla ang bilang ng mga nako-COVID
habang nanonood ay dama ko ang pagkaumid
kayrami nang tinamaan ang ipinababatid
nagpapaalalang huwag lumabas sa paligid

at nariritong napapatunganga sa kawalan
subalit dapat pag-isipan anong kakulangan
upang ganitong pangyayari'y bigyang kalutasan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

nakaliligalig ang datos ng nagkakasakit
di na maaaring magwalang bahala't pumikit
sa katanghaliang tapat man o gabing pusikit
dapat problema'y malutas, datos na'y sumisirit

dapat dalawang metro ang layo sa isa't isa
dapat lagi nang naka-face mask at naka-face shield ka
dapat may sanitizer o alkohol ka sa bulsa
sundin ang health protocol, alagaan ang masa

ngunit sapat ba iyan, sapat ba ang stay-at-home
kung ikaw at pamilya mo naman ay magugutom
lalo't kapitalista'y nagsasamantala ngayon
at mga manggagawa'y sa hirap ibinabaon

sa malaking bilang ng na-COVID, anong problema?
ang liderato o ang COVID na nananalasa?
tumitindi ang COVID, dumarami ang biktima
kung palpak nga ang namumuno'y papalitan na ba?

- gregoriovbituinjr.

Paglilinis ng bentilador

PAGLILINIS NG BENTILADOR

bentilador ay isang de-kuryenteng pampahangin
umiikot dahil sa elise o banoglawin
na sa katagalan na rin, nagiging marumihin
na kung di malinisan ay manggigitata ka rin

napakarami nang mga agiw sa bentilador
na nakapatong lamang sa ibabaw ng tokador
kaya akin nang nilinisan, pwera lang ang motor
unang tinanggal ang takip na animo'y andador

ang buong bentilador nga'y maingat kong binaklas
pinunasan ang katawan, ang elise'y kinalas
sinabunan, binanlawan, tubig ang pinanghugas
tinanggal ang agiw, basahang retaso'y pampunas

maiging linisin ng lingguhan, di kada buwan
ang dekuryenteng abanikong ang dulot ay alwan
tandaang elise't katawan lamang ang hugasan
di ang makina o motor, baka masira iyan

sa maruming bentilador, manlalagkit kang labis
lalo na't mabanas ang panahon, nakaiinis
abala sa gawain, tulo ng tulo ang pawis
ah, ginhawa'y dulot ng bentilador na malinis 

- gregoriovbituinjr.

Chili sauce at bagoong lang, ulam na

CHILI SAUCE AT BAGOONG LANG, ULAM NA

marami ang dumidiskarte upang di magutom
tulad ko, pinaghalo ang chili sauce at bagoong
di makalabas, di makabili kahit panggatong
na-lockdown man, nakakatula pa't di nabuburyong

anong tinding salot ang sa bansa'y naninibasib
di maapuhap ang liwanag sa malayong liblib
subalit maghanda pa rin sa anumang panganib
sa panahong itong dapat patibayin ang dibdib

para raw noong panahon ng Hapon, ng Kempei-tai
buti't may mga tanim, mamimitas lang ng gulay
kaysa mamatay sa gutom ay piliting mabuhay
lakasan ang loob, kumilos, tumula, magnilay

upang kasalukuyang sitwasyon ay maikwento
maitula, maisulat, ang sitwasyon ng mundo
manood din ng balita, makinig din ng radyo
bagamat di malaman paano maging kalmado

kahit chili sauce at bagoong lang, basta mabusog
habang mga balita sa puso'y nakadudurog
ano nang klaseng bukas ang ating maihahandog
tila pangarap na lang ang daigdig na malusog

- gregoriovbituinjr.