Linggo, Nobyembre 8, 2009

Kumakain kami sa bao, di sa plato

KUMAKAIN KAMI SA BAO, DI SA PLATO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

matapos ang mahabang lakad ay pahinga
sa liblib na pook titigil kapagdaka
mauupo habang nagnganganga ang iba
at pag kainan na, agad kaming pipila
upang mabigyan ng pagkain isa-isa

kumakain kami sa bao, di sa plato
habang iba'y may baong platong totoo
sa bao'y kakain ng kanin at adobo
may gulay ding nilaga't isdang pinirito
pag nauhaw, may tubig at sabaw ng buko

kita sa mukha ng mga kasama'y uhaw
di lang sa tubig, sa pag-asang tinatanaw
tanging hustisya lamang ang makatitighaw
upang lupa nila'y'y di tuluyang maagaw
sa kwento nga nila'y kayraming mahahalaw

mahirap magutom, kailangan ng lakas
kaya pag-asa sa kanila'y mababakas
lalakarin masalimuot man ang landas
upang ipaglaban ang maayos na bukas
at buhay na ang kalakaran ay parehas

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Ipaglaban ang Lupang Ninuno

IPAGLABAN ANG LUPANG NINUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

karapatan ng kalikasan at ng katutubo
pati dangal ng bawat isa'y huwag isusuko
at huwag nating payagang tumagas pa ang dugo
subalit dapat ipagtanggol ang lupang ninuno
kaya kung kinakailangan ang dugo'y ibubo

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Dalawang Bahaghari sa Martsa

DALAWANG BAHAGHARI SA MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

anila, may ginto raw sa dulo ng bahaghari
tila ba sa ipinaglalaban ay magwawagi
ngunit dalawang bahaghari yaong nagpangiti
sa mga nakakita'y salamat ang namutawi

umulan ng nagdaang gabi, ang lupa'y mahamog
nagtitiis abutin ang pangarap na kaytayog
na itong Laiban ay di na tuluyang madurog
ng mga hayok sa tubo, mga palalo't hambog

sinagisag ng dalawang iyon ay anong ganda
sa layon ng katutubo'y nagbibigay pag-asa
nawa pagsapit ng Maynila'y makamtan na nila
na pagtatayo ng dam ay tuluyang mapigil na

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Mga Katutubo'y Kapatid Natin

MGA KATUTUBO'Y KAPATID NATIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mga katutubo'y kapatid natin
pagkat sila'y pawang pilipino rin
sila'y mga kapwa tao rin natin
na dapat nating mahalin, yakapin

dahil tayo rin nama'y katutubo
pagkat sa bansang ito tayo tubo
isa ang nananalaytay na dugo
iisa tayo sa lahat ng dako

kaya huwag payagang may balakid
pakikitungo'y di dapat mapatid
pakikipagkapwa ang ating hatid
sa katutubong atin ngang kapatid

katutubo'y kapatid nating turing
pagkat lahat sila'y kadugo natin

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Ilang Sakripisyo sa Martsa

ILANG SAKRIPISYO SA MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

napigtal ang tsinelas, nagkapaltos sa paa
napagod ang katawan, ang iba'y nirayuma
iyan ay kaunti lang sa sakripisyo nila
ngunit ang mga iyan, sa totoo'y wala pa
kumpara sa Laiban Dam pag naitayo na

sapagkat libong buhay ang magiging kapalit
pag natayo yaong dam na sa tao'y hagupit
yaong may utak ng dam ay sadyang kaylulupit
sa kapwa tao nila'y wala ngang malasakit
kaya dapat lang silang buntunan nitong ngitngit

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Sagipin ang Sierra Madre

SAGIPIN ANG SIERRA MADRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(alay sa grupong Save sierra Madre Network, at sa lahat ng grupong nais sagipin ang Sierra Madre)

pinagbabantaan ang Sierra Madre ng tao
unti-unti'y winawasak ang bulubundukin nito
sinisira ang kagubatang dapat protektado
mula sa pagkasirang di lang dahil sa delubyo

nakakaganda ng Sierra Madre kung pagmasdan
ang lupain, ang kapaligiran, ang kalikasan
mayaman sa puno, bulaklak, prutas, hayop, anuman
tunay itong biyaya sa tao't sandaigdigan

nais itong pagkakitaan ng mga kuhila
kaya nililigalig ang katutubong payapa
kailan ba kasakiman ng tao'y mawawala
kailan mapapawi ang anumang dito'y sumpa

huwag hayaang ito'y gibain ng mga ganid
salaulain ng kasakimang dapat mapatid
Sierra Madre'y sagipin natin, mga kapatid
kapayapaan sa katutubo'y ating ihatid

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Lakad Pa Rin Umulan Man o Umaraw

LAKAD PA RIN UMULAN MAN O UMARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dapat marating ang pupuntahan batay sa plano
umulan man o umaraw, lakad pa rin ang tao
silang ipinaglalaban yaong lupa't pinsipyo
upang lupain nila'y di mawasak na totoo

hakbang, hakbang pa, kaliwa, kanan, kaliwa, kanan
magpatuloy sa paglakad, kanan, kaliwa, kanan
kailangang marating ang Maynila, kaliwa, kanan
hiling sa Pangulo'y huwag galawin ang Laiban

halina't humakbang, patuloy na magkapitbisig
ipagtanggol ang lupang tahanan at inibig
magkaisang kumilos ang lahat ng ating kabig
at tiyaking mga demonyo'y di tayo madaig

ang bawat hakbang ay sagisag ng pawis at dugo
pagkat katutubo'y di papayag na masiphayo
ayaw nilang basta maitaboy lang sa malayo
kung kinakailangan, sariling dugo'y ibubo

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Ang Lubid

ANG LUBID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

pinalilibutan ng mahabang lubid
kaming nagmamartsa nang aming mabatid
sa martsa'y kasama at nang di mapatid
ang aming linyang mga magkakapatid

habang sa lubid ay pawang nakasabit
ang mga streamer na aming binitbit
nakasulat ang aming pinababatid
upang sa laiban dam tayo'y di mabulid

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Tatlo-tatlo

TATLO-TATLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

tatlo-tatlo lang sa bawat linya
itong siyang gabay sa martsa
laban sa dam na dala'y dusa

ang katabi'y dapat kilala
huwag papasukin sa linya
ang sinumang hindi kasama

pag sila sa atin nanggulo
sa pagmamartsa nating ito
ay tiyak, tayo'y apektado

tiyaking linya'y tatlo-tatlo
para magandang tingnan ito
nang di magkahiwalay tayo

bawat hanay ay alagaan
upang tayo'y di mapasukan
ng nais manggulong sinuman

dapat lang tayong magtulungan
nang tayo'y may kapayapaan
sa mahaba nating lakaran

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Ehersisyo Muna Bago Martsa

EHERSISYO MUNA BAGO MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

halina't tayo nang mag-ehersisyo
bago lumakad pampagana ito
upang ma-tsek din ang tatag ng buto
at baka naman may pilay na tayo

bawat isa ay pawang nakapila
may tao sa harap at likod nila
pawang nakahanda na sa pagmartsa
ngunit mag-eehersisyo na muna

kanan, kaliwa, at kaliwa, kanan
ang paa sa gitna'y ating ihakbang
halina't tayo nang magtalunan
kung kaya pa ang mahabang lakaran

bago at matapos ang ating martsa
lahat tayo'y mag-ehersisyo muna
sabay-sabay itong kamay at paa
upang kahit pagod tayo'y masaya

pagkatapos nito at napawisan
ay handa na sa mahabang lakaran
at pagdating doon sa paroroonan
mag-eehersisyo muli ang kawan

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Malamig ang Gabi sa Llavac

MALAMIG ANG GABI SA LLAVAC
(Brgy. Llavac, Real, Quezon)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kaylamig ng gabi doon sa Llavac
at tila nanunuot sa kalamnan
kaydilim ngunit di nakakasindak
pagkat payapa yaong kalooban

ikapito pa lang, wala nang ilaw
kaya laganap ang katahimikan
tila dumamay sa gabing mapanglaw
habang nagtatago naman ang buwan

kanina lamang ng ako'y naglakbay
upang humabol doon sa lakaran
mahabang lakaran para sa buhay
ng maraming tao sa kanayunan

pagkat may banta sa kanilang nayon
bantang pagtatayuan ng laiban dam
laiban dam na sa kanila'y humamon
humamong magkaisa't makialam

makikialam ako sa kanila
at sasama rin sa kanilang laban
pagmartsang ito pa lang ang umpisa
ng kinakaharap nilang labanan

kaylamig ng gabi doon sa Llavac
ngunit kay-init ng pinapangarap
na sana'y di na sila mapahamak
sa dam na dapat na mawalang ganap

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Lakad Laban sa Laiban Dam


LAKAD LABAN SA LAIBAN DAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

tiyak lulubog ng tuluyan
ang maraming bahay at bayan
pag natuloy ang Laiban Dam
kaya dapat itong tutulan

marami'y agad nakialam
nagmartsa laban sa Laiban Dam
upang ito'y maipaalam
sa kapwa't buong sambayanan

na ito'y di makatarungan
sa buhay nitong mamamayan
sisirain ang kalikasan
pati buhay at kabuhayan

siyam na araw ang lakaran
mula Quezon pa-Malacañang
upang iprotestang tuluyan
ng pasakit na Laiban Dam

mga katutubo at masa
ay sama-samang nagprotesta
kayhaba ng nilakad nila
kapitbisig na nagkaisa

Laiban Dam para sa tubo
ng mga taong walang puso
Laiban Dam dapat maglaho
at maglaho ng buong-buo

nawa sila nga'y magtagumpay
na maipagtanggol ang buhay
ng tao't ng wala pang malay
nawa'y manaig silang tunay

salamat sa mga nagmartsa
pagkat kayo'y naging kaisa
at kita'y nagkasama-sama
laban dito sa dam ng dusa

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.