Linggo, Oktubre 12, 2014

Bingkaka

BINGKAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tangan niyang bingkaka'y pinatutugtog sa palad
animo'y walang kapaguran habang naglalakad
malayo pa'y dinig na, tila ba ibinubungad
sa buong bayan ang Climate Justice na hinahangad

payak na tugtog, tila may diwatang sasalubong
pare-parehong tunog sa iba't ibang pagsuong
di nakauumay, sari-saring interpretasyon
may diwatang di nakikita ngunit naroroon

ang tangan niyang bingkaka'y kawayang kapiraso
ngunit nagpapatiwasay sa isipang magulo
inuudyukan kang suriin kung ano ang wasto
at di basta gawin na lamang kung ano ang gusto

maraming salamat, kasamang Joemar, sa pagtugtog
ng bingkaka pagkat nanggigising ng diwang tulog
hawak mula umaga hanggang araw ay lumubog
himig na malamyos, kaygaang timpla ng indayog

marahang ipinapalo sa palad ang bingkaka
di mo pansin ang hapo, masarap sa puso't diwa
sana'y masalubong namin ang magandang diwata
habang marubdob na nililinang ang isang katha

- Luna's Eatery and Sari-sari Store, Brgy. Canda Ibaba, Lopez, Quezon, Oktubre 12, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda