Huwebes, Mayo 11, 2023

Parang binigay na ang sagot

PARANG BINIGAY NA ANG SAGOT

sa Hanap-Salita, tingnan ang pagkaayos
nang ito'y sinagutan ko talagang lubos
para bang ibinigay na ang tamang sagot
tinamad ba ang lumikha't di na kumayod?

hahanapin mo ang nilatag na salita
ngunit sagot ay pulos pahalang na sadya
ni walang pahilis, ni wala ring pababa
para bang tinamad talaga ang lumikha

araw-araw ba naman nila itong gawin
para sa pahayagang pang-araw-araw din
talagang minsan kumatha na'y tatamarin
sa pag-aakalang di naman mapapansin

gayunpaman, salamat sa palaisipan
at ako naman dito't talagang nalibang
sana'y ipagbale-balentong nila naman
nang tumagal ang paghanap sa kasagutan

- gregoriovbituinjr.
05.11.2023

* ang Hanap-Salita ay nasa pahayagang Pang-Masa, Mayo 11, 2023, pahina 7

Alin ang mas mahal?

ALIN ANG MAS MAHAL?

alin ang mas mahal dito sa dalawa?
dami ba o bigat ang mas mahalaga?
itong kapeng 4-in-1 na 15 grams ba?
o ang kapeng 3-in-1 na 20 grams na?

mabigat na timbang o maraming laman?
binili ni misis, presyo'y di ko alam
20 grams ba na limang gramo ang lamang?
o ang 4-in-1 na mas lamang sa bilang?

ang 4-in-1, apat na klase ang meron
ngunit magaan kaya mas mura iyon
ang 3-in-1 ay tatlong klase man yaon
ay mas mabigat kaya mas mahal iyon

iyan ay teorya ko lang, di pa presyo
mabigat na timbang ang mas mahal dito
kung masasabi ni misis kung magkano
saka sabihing teorya ko'y totoo

buting ito'y batid upang sa susunod
ay alam na ang bibilhin pag sumahod
ang pag-usapan ito'y nakalulugod
lalo sa obrerong madalas ang kayod

- gregoriovbituinjr.
05.11.2023

Ang protesta ni Chess Int'l Master Sara Khadem


ANG PROTESTA NI CHESS INT'L MASTER SARA KHADEM

balita'y ipinaaaresto siya ng Iran
nang magpasya si Sara Khadem na mangibang bayan
lumipat ng Spain upang doon na manirahan
nito lamang Enero ng taong kasalukuyan

lumaban siya sa pandaigdigang kampyonato
nang walang suot na hijab o ng belo sa ulo
siya'y atletang Iranian at batas nila ito
kay Mahsa Amini ay pakikiisa rin nito

nang mamatay ang babaeng ngala'y Mahsa Amini
na diumano'y resulta ng police brutality
dahil di siya nagsuot ng hijab ay hinuli
dahil dito, protesta sa Iran ay tumitindi

para kay Sara Khadem ay defense of women's freedom
kaya paglayas sa Iran ay di niya dinamdam
sa pagkamatay ni Amini, siya'y nasusuklam
bilang chess master ay pinakitang may pakialam

mabuhay ka, Sara Khadem, at ikaw ay mapalad
nawa'y di ka madakip at basta lang makaladkad
chess master kang ang mali'y talagang inilalantad
kaligtasan mo at ng pamilya mo'y aming hangad

- gregoriovbituinjr.
05.11.2023

Ayon sa World Chess page na https://www.facebook.com/theworldchess:

Iranian IM Sara Khadem joins the lineup for the World Chess Armageddon Championship Series: Women's Week!

After being introduced to chess by one of her classmates at eight years old, Sara had her parents put her in a chess class. At the age of 12 she had her first successes by winning the Asian Under-12 Girls Championship and the World Under-12 Girls Championship. In 2018 Sara was the runner up in both Women's World Rapid and Blitz Championships, held in Saint Petersburg.

In 2022 at the World Rapid Championship in Almaty, Kazakhstan, Sara decided to compete without a veil, in defense of women's freedom and in solidarity with the protests that began after the death of the young Mahsa Zhina Amini in Iran. This decision completely changed her and her family's life, who are now living in the south of Spain.

Iba pang kaugnay na balita:

McClain, Dylan Loeb (30 December 2022). "After Competing Without a Hijab, a Top Iranian Chess Player Won't Return Home". The New York Times. Retrieved 2 January 2023.

"After playing without a hijab in a world championship, Iranian chess star defects to Spain". El Pais. 28 December 2022. Retrieved 4 January 2022.

"Iranian chess player 'moving to Spain' after competing without headscarf". The Guardian. 2022-12-29. Retrieved 2022-12-31.

Rodriguez, Elena (15 February 2023). "Iranian chess player in exile has no regrets about removing hijab". Reuters.

"Chess: On the day Sara Khadem met Spanish Prime Minister, an arrest warrant was issued against her in Iran". The Indian Express. 15 February 2023.

Kumakain ng walang pansinan

KUMAKAIN NG WALANG PANSINAN

walang pansinan ang limang kuting
habang naroroong kumakain
kaysaya rin nilang panoorin
matapos tirang isda'y hatiin

agad silang kanya-kanyang kuha
at saanmang sulok na'y pupunta
nang walang mang-agaw sa kanila
upang sa pagkain magkonsentra

iyan ang ugaling nakita ko
na ayaw nilang may manggugulo
subukan mo't matalas na kuko
pag inagaw ang pagkain nito

sila naman ay bata pa naman
at marami pang matututunan
pa'no mamuhay sa kalunsuran
paanong sa mesa mag-aabang

- gregoriovbituinjr.
05.11.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/ksoxt4dP-h/

Dalawang Pababa sa krosword

DALAWANG PABABA SA KROSWORD

minsan ay nakalilito ang dalawang Pababa
sa krosword pagkat titingnan ang tanong sa kabila
na para sa krosword sa itaas, matutulala
dahil Pahalang at Pababa ay di nagtutugma

kaya dapat alerto, dapat utak ay mabilis
bakit kaya ganoon, di magtugma, di magparis
huwag malito, nasa dyaryo lang ang tinutugis
para sa ibang krosword pala ang tanong na mintis

tanong sa One Pababa, gamit sa banyo, satin ba?
mali, sa isang One Pababa pa, klase ng tela
sa Two Pababa, ugali ba'y suksok sa baraha?
sa isang Two Pababa, ugali'y kostumbre pala

isa itong karanasan sa pagiging alerto
na magsuri ka pa rin, mata'y igalaw-galaw mo
tulad ng mga marites, madalas mag-usyoso
na iba pala ang tanong sa sinasagutan mo

tara, mag-ehersisyo ng isip sa pahayagan
at ating sagutan ang naroong palaisipan
kung may katagang di alam o ibang kahulugan
ay talagang mababatid mo rin sa kalaunan

- gregoriovbituinjr.
05.11.2023

* litrato mula sa pahayagang Bulgar, Mayo 7, 2023, p.11

Wala raw mag-like

WALA RAW MAG-LIKE

"bakit walang nagla-like sa facebook entry mo?"
tanong ni misis, aba'y napuna pa ito
di ko nga pinapansin ang mga ganito
sa tanong ni misis, anong masasabi ko?

marahil ay di naman kasi ako sikat
at pawang tula lang ang naisisiwalat
kaibigan ay di marami o di sapat
o tula ko'y di nila magustuhang sukat

maraming facebook like ay di ko naman layon
kundi mga katha ko'y ilagak lang doon
siya'y nila-like ng mga amiga roon
taka siya bakit sa akin ay di gayon

puna rin iyan noon ng isang kasama
nang sa isang burol, kami nama'y magkita
"bakit walang mag-like sa tula mo, kasama?"
tila kolektibo ko'y walang paki, anya

may nagla-like naman, kahit paminsan-minsan
ang agad kong depensa sa kanyang tinuran
lalo na't tingin nila'y mayroong katwiran
o ang paksa sa kanila'y may kaugnayan

marahil sa facebook like ay makikita na
kung ang tao'y palakaibigan talaga
tulad ni misis, maraming facebook like siya
dahil palakaibigan at sweet tuwina

o baka sadyang wala akong kaibigan
na lagi kong kaagapay sa kahirapan
at saya, kundi pawang kasamang palaban
kung sa post ko ay may mag-like, salamat naman

magparami ng facebook like ay di ko hangad
wala mang mag-like, kakatha ako't susulat
ng nasa loob at nakikita sa labas
ng samutsaring paksang makapagmumulat

- gregoriovbituinjr.
05.11.2023

* litrato mula sa google

Pangarap

PANGARAP

ano nga bang aking ipagmamalaki
kundi ang pangarap na makapagsilbi
sa uri't bayan subalit di masabi
bakit sa lathalang letra nabighani

publishing house ang pangarap kong itayo
pagkat makatang sa aklat narahuyo
maging pahayagan ay pinipintuho
ilalathala'y lumbay, katwiran, puso

gagawa ng maraming aklat ng tula
mithing unang nobela'y mailathala
patuloy na tutulong sa kawanggawa
kahit organisador pa rin ng dukha

magsusulat hinggil sa kapaligiran
paksa pa ri'y nasisirang kalikasan
habang tinataguyod ang bayanihan,
pati pakikipagkapwa't tangkilikan

pagkakaisahin ang magkakauri
bulok na sistema'y di mananatili
sakaling sa larangang ito'y masawi
nagawa'y buti sa buhay na pinili

- gregoriovbituinjr.
05.11.2023