Martes, Marso 8, 2022

#123 PLM partylist tayo

#123 PLM PARTYLIST TAYO

numero Uno, Dos, Tres, P.L.M. partylist tayo
atin silang iboto at iupo sa Kongreso
upang may representasyon ang karaniwang tao
na babangga sa tinig ng gahama't bilyonaryo

pagkakapantay sa lipunan ang adhika nila
karapatan nati'y mapangalagaan talaga
dedebatihan ang mga hunyangong kongresista
na kunwa'y pangmasa, makakapitalista pala

bakit laksa'y mahirap, bakit may ilang mayaman
pribadong pag-aari nga'y ugat ng kahirapan
kaya sistemang bulok, yayanigin, papalitan
bagong pulitika't ekonomya ang kailangan

Partido Lakas ng Masa, na ang inaadhika
na sa yaman ng lipunan, makinabang ang madla
kaginhawahan ang asam para sa walang-wala
at kabulukan ng sistema'y babaguhing sadya

kaya P.L.M. partylist ay ikampanya natin
at ipanalo, sa Kongreso'y kayraming gagawin
pati si Ka Leody de Guzman, pangulo natin
na dapat ipagwagi, ito'y misyon at hangarin

- gregoriovbituinjr.
03.08.2022

Si Ka Leody sa Rali ng Kababaihan

SI KA LEODY SA RALI NG KABABAIHAN

maalab ang talumpati ng lider-manggagawa
sa rali ng kababaihan, kung pakinggan mo nga
talagang sa sistemang bulok nais makawala
nang lipunang makatao'y maitayo ngang sadya

O, kababaihan, ang sabi ng lider-obrero
"Sa sama-samang pagkilos, magtatagumpay tayo!"
sa kanyang tinuran ay palakpakang masigabo
dama mo ang tapat na paninindigan, totoo

para pangulo ng bansa, Ka Leody de Guzman
para sa manggagawa, para sa kababaihan
nais na pagsasamantala'y mawalang tuluyan
at bawat buhay ng tao'y bigyang kahalagahan

adhikain niya'y talagang pagbabagong tunay
walang pang-aapi, isang lipunang pantay-pantay
ang kababaihan ay kaisa sa bawat pakay
makataong lipunan ang layunin niyang lantay

kababaihan sa lipunan ay di dapat api
o pagsamantalahan ng sistema ang babae
dapat babae'y nirerespeto, kanya pang sabi
bulok na sistema'y wakasan, talagang iwaksi

- gregoriovbituinjr.
03.08.2022

Sa Rali ng Kababaihan

SA RALI NG KABABAIHAN

naroon silang kandidatong lumahok sa rali
ng grupong Oriang, silang sa bayan na'y nagsisilbi
nagtalumpati't pinagtanggol ang mga babae
mula sa karahasan ng mga trapo't buwitre

unang nagtalumpati ay si Tita Flor ng Oriang
at sumunod ang ating pambato sa panguluhan
ang lider-manggagawang si Ka Leody de Guzman
sunod si Walden, Ka Luke, David D'Angelo naman

Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ngayon
at plataporma nila'y inilatag nila roon
nagtalumpating may galit man ngunit mahinahon
dahil inupakan yaong katunggali't si Gadon

na bastos sa kababaihan, dahil walang modo
may-akdang si Raisa Robles ay binastos umano
habang divorce bill ay nilatag ni Ka Walden Bello
at hinggil sa kalikasan kay David D'Angelo

mga plataporma iyong patungo sa paglaya
ng kababaihan sa bulok na sistema't sigwa
karapatan, climate justice, kayraming isyu't paksa
na kanilang tangan upang ipagtanggol ang madla

ipagtanggol laban sa tuso, buwitre't gahaman
upang mga kababaihan ay maprotektahan
Mabuhay ang Oriang! Mabuhay ang kababaihan!
Mabuhay silang kandidato natin! Tayo Naman!

- gregoriovbituinjr.
03.08.2022
* litratong kuha ng makatang gala sa dinaluhang rali

Sa Araw ng Kababaihan

SA ARAW NG KABABAIHAN

galing tayo sa sinapupunan
ng ating ina, kababaihan
kaya sila'y ating alagaan
hanggang sa kanilang katandaan

pagmasdan mo si lola't tiyahin
di ba't kahawig ng ina natin?
sila'y dapat na pakamahalin
at pagpapabaya'y huwag gawin

ibigin mo ang iyong asawa
niluwal ay anak n'yong dalawa
pangalagaan sila tuwina
tumanda man, kayo'y magkasama

pangalagaan mo ang kapatid
mong mga babae nang mabatid
na proteksyon ang mensaheng hatid
nang sa paligid ay di malingid

huwag nating hayaang mabastos
ang mga babae't makaraos
Safety Spaces Act, dapat talos
pati VAWC Act, alaming lubos

mga babae, dakila, ina
Tandang Sora, Oriang, Lorena
kababaihan, mag-organisa
baguhin ang bulok na sistema

ngayong Araw ng Kababaihan
kayo po'y pinasasalamatan
kayong kalahati ng lipunan
ng sambayanan, ng daigdigan

mabuhay kayong mga babae
kina Lola, Inay, Tita, Ate
taos-pusong pasalamat, ale
kung wala kayo ay wala kami

- gregoriovbituinjr.
03.08.2022