Miyerkules, Marso 10, 2010

Di Isang Piging Ang Rebolusyon

DI ISANG PIGING ANG REBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod, soneto

di isang piging o kasayahan ang rebolusyon
na pag nakita sa TV ang ating rali ngayon
o napabalita sa dyaryo ang pagrali noon
ay kaysaya na natin at nakapagrebolusyon

sa totoo lang, ang rebolusyon ay insureksyon
ito'y pagdurog sa kalabang ating hinahamon
pagwasak sa pribadong kagamitan sa produksyon
lalo na'y pagpawi ito sa estado o nasyon

rebolusyon ay pagtatayo ng bagong sistema
ito'y pagpawi rin ng uring mapagsamantala
at pagtatanggol laban sa elitista't burgesya
upang di muling mabuhay ang mga tulad nila

sistemang bulok ay papalitan nating tuluyan
at itatayo natin ang sosyalistang lipunan

Ang Propagandista

ANG PROPAGANDISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

angat dapat lagi ang asal ng propagandista
di dapat matampuhin yaong mga tulad niya
at di sariling interes ang kanyang inuuna
higit sa lahat, kapakanan ng obrero't masa

pagkat propaganda'y di lang pagsulat ng polyeto
pagdidisenyo't paggawa ng magasin at dyaryo
propaganda'y kung paano mangumbinsi ng tao
sa adhikain niyang pagrerebolusyong ito

propaganda'y di lamang pulos binabasa't biswal
dahil gawain niya'y di lamang pulos teknikal
mas gawain niya'y sa usaping sikolohikal
at paglaban sa ideyolohiya ng kapital

propaganda'y tunggalian para sa puso't diwa
ng masa ng sambayanan at uring manggagawa
laban sa mga kaaway na nang-api sa dukha
at pribadong pag-aari yaong laging adhika

pag sa panahong nanghihina ang mga kasama
tungkulin ng propagandistang palakasin sila
pag sa panahong negatibo ang isipan nila
ay gawin itong positibo ng propagandista

sa problema sa samahan, di agad nagtatampo
pagkat kabisado niya ang papel niya rito
ugali ng propagandista'y laging positibo
itataas agad ang moral ng kasama rito

dapat propagandista'y nagsusuring malaliman
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
ngunit di dapat matibay lang ay kanyang isipan
higit sa lahat ang asal niya, kaugalian

bawat araw ng propagandista'y sa rebolusyon
bawat oras niya'y para sa sosyalistang layon
sa mundo’y batid niyang konti na lang ang panahon
kaya nagsisipag maipanalo ito ngayon