Lunes, Marso 19, 2012

Pulitikong Lango


PULITIKONG LANGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

wala nga bang disiplina ang mga Pinoy
tanong ito ng isang kababayang tsimoy
utak daw ng lasenggo'y tulad ng palaboy
tungga ng tungga itong tunggak na kaluoy

gaya ng pulitikong lasing sa upuan
langong-lango sa hawak na kapangyarihan
nalilimot nang siya'y isang lingkod-bayan
pabaya sa tinatanganang katungkulan

problema ng bayan imbes ayusin niya
hayun, siya'y di na mahagilap ng masa
nalasing na kasi sa papuri ng iba
akala'y di babagsak yaong tulad niya

asal niya'y gahaman, sobra siyang tuso
ang sariling kawani'y kaybaba ng sweldo
masamang halimbawa'y pakita sa tao
asal niya'y basahan, isa siyang trapo

taumbayan sa kanya'y nagbakasakali
ngunit nahawa siya sa mga tiwali
bagong pulitiko ngunit nakadidiri
hamig siya ng hamig, tila walang budhi

pag sa kapangyarihan ang trapo'y nalasing
lahat na ng anomalya'y kanyang gagawin
para bang nakadroga, siya'y napapraning
lingkod-bayang sa kabang-yaman naduduling