Sabado, Oktubre 29, 2022

Pilipisan

PILIPISAN

akala mo'y nirambol ang titik ng Pilipinas
para bang larong scrabble ng utak-matatalas
ngunit totoo, pilipisan ay salitang wagas
na sa ating lumang wika'y talagang mawawatas

pilipisan yaong magkabilang gilid ng noo
sa pagitan ng kilay at patilya ng buhok mo
nabanggit sa isang kwento ni Liwayway Arceo
na dakilang manunulat ng maiikling kwento

sinabing may gumuhit na ugat sa pilipisan
nang mapangiti ang ama sa anak sa usapan
salitang bihirang gamitin sa kasalukuyan
kaya bago sa pandinig at kaysarap pakinggan

sa Espanyol ay sentido, pilipisan sa atin
temple sa Ingles, sa Hiligaynon ay agigising
sa Sebwano'y agising at sa Waray ay sapiring
kimut-kimutan, malingmingan, at dungan-dungan din

dagdag na kaalaman habang nagbabasa-basa
lalo't bumabagyong sanhi ng baha sa kalsada
bahagi ng mukha'y di lamang noo, mata, tenga,
kilay, bibig, buhok, anit, baba, pilipisan pa

- gregoriovbituinjr.
10.29.2022

* mula sa kwentong "Maganda ang Ninang Ko" ni Liwayway A. Arceo sa kanyang aklat na "Mga Piling Katha", pahina 41
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 971

Magbasa ng kwento habang bumabagyo

MAGBASA NG KWENTO HABANG BUMABAGYO

kaylakas ng hangin, kaytindi ng bagyo
na ngalan ay Paeng, umaalboroto
habang giniginaw, kinuha ang libro
tinunghayan yaong maiikling kwento

samutsaring tinig na di madalumat
kung di maunawa't babasahing sukat
may kababalaghang tila nagdumilat
may totoong kwentong sa buhay ay lapat

pawang mga awtor nito'y kayhuhusay
na pawang kwentistang inidolong tunay
mga kwento'y batay sa aktwal na buhay
may katatakutang di ka mapalagay

pangalan ng isa'y si Washington Irving
Rosario De Guzman-Lingat, anong galing
kay Rabindranath Tagore, kwento'y gising
kay Liwayway Arceo'y di na humimbing

apat itong librong nasa aking tabi
habang bumabagyo't hangi'y humuhuni
sa pag-iisa man, sa lumbay sakbibi
aklat ay naritong tangi kong kakampi

- gregoriovbituinjr.
10.29.2022

* nasa larawan ang mga aklat na
Mga Piling Katha - ni Liwayway A. Arceo
Si Juan Beterano at Iba Pang Kwento - ni Rosario De Guzman-Lingat
The Legend of Sleepy Hollow and Other Short Stories - ni Washington Irving
Selected Short Stories - ni Rabindranath Tagore

Anibersaryo bente nuwebe

ANIBERSARYO BENTE NUWEBE

kaming naririto'y nagpupugay ng taasnoo
sa ikadalawampu't siyam na anibersaryo
ng grupong Sanlakas na nakikibakang totoo
upang kamtin ng bayan ang lipunang makatao

dalawampu't siyam na taon ng pagkikibaka
para sa karapatan at panlipunang hustisya
para sa kalayaan ng bayan at demokrasya
para mabago't palitan ang bulok na sistema

salamat, naririyan kayo, mabuhay! Mabuhay!
kasamang nangangarap ng isang lipunang pantay
nakibaka upang kalagayan ay mapahusay
kumikilos upang tuparin ang adhika't pakay

anibersaryo bente nuwebe, napakatalas
maraming salamat, nagkatagpo ang ating landas
kapitbisig upang kamtin ang sistemang parehas
walang pagsasamantala, isang lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
10.29.2022