Lunes, Setyembre 21, 2015

Bulong ng budhi'y iwaksi ang mga baril

BULONG NG BUDHI'Y IWAKSI ANG MGA BARIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

iwaksi ang mga baril, bulong ng budhi
pagkat pampatay ito ng kapwa't kalahi
diyos at sandata ng mapang-aping uri
sa ganito'y walang ibang solusyon kundi
iwaksi ang mga baril, bulong ng budhi
nang kapayapaan sa mundo'y manatili

pandepensa umano laban sa masamâ
ngunit gamit din ng mapang-aping kuhilà
ah, mabuting baril ay tuluyang mawalâ
kaysa dahil sa baril, kayraming lumuhà
ang inihahasik nito'y yabang at sumpâ
na sa buhay ng tao'y nagbabalewalâ

panlaban sa krimeng dinulot ay hilahil
ngunit noon pa'y gamit din ng mapaniil
at ipinuputok ng mayabang at sutil
di matatapos ang dahas, may maniningil
kaya dinggin ang kawastuhang umukilkil
bulong ng budhi'y iwaksi ang mga baril

Sa dawag ng kawalan

SA DAWAG NG KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

iniwan ako ng ubod rikit na binibini
doon sa may dawag ng kawalang di ko masabi
sa iwi kong pagsuyo siya'y nag-aatubili
pagkat wala ni ginto’t namumuhay lang ng simpli

siya ang diyosang sa mundo'y pinipintakasi
sa natutulog kong puso'y mitsa siyang nagsindi
subalit payak lamang ang buhay kong mapagmuni
pagkat pinili kong sa obrero't dukha magsilbi

karangyaan para sa kanya'y di ko mabibili
ni walang pilak, ngunit kaibigan ay kayrami
huwag pintasan ang buhay kong pagani-ganiri
tula ang aking yaman kaya di ako pulubi

subalit hanggang ngayon ay di pa napapakali
pagkat harayang nakaalpas ay di pa mahuli
ngunit patuloy ang pagmumuni araw at gabi
upang akdang makatha'y ihandog sa binibini

Pagsuyo hanggang langit

PAGSUYO HANGGANG LANGIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sinuyo ng araw ang bituing kayrikit
O, kaysaya ng paghaharana sa langit
namamaga ang mata'y di pa pumipikit
dinarama pa rin ang suyuang malagkit

kaytamis ng mga binitiwang kataga
nais pagkaisahin ang dalawang laya
nasa kaibuturan ang isinusumpa
pati bagting ng gitara'y dinig sa tuwa

lalamon ng gabok ang sinumang karibal
sa pagsusuyuang sintamis ng asukal
sinusuyo'y iniaangat sa pedestal
ng kaliwanagang sa karimlan dumatal

O, kaysarap pag dalawang puso'y nagniig
kumbaga sa gantimpala'y siksik at liglig
di man madalumat ng diwang natutulig
tanging nakaunawa'y pusong umiibig

Pagka kinakapoy

PAGKA KINAKAPOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

O, kapoy, huwag kang sumuot
sa katawan kong salimuot
sa ulo na'y napapakamot
dahil ikaw ang kumukumot

huwag mo akong abalahin
pagkat kayraming kong gawain
tambak pa ang dapat tapusin
kasiglahan ko'y pabalikin

magpapahinga munang saglit
dahil katawan na'y masakit
kahit na araw ay pusikit
hihimbing muna’t nang masulit

umagang ito’y walang latoy
diwa't katawang kinakapoy
para bagang tuod na kahoy
ngunit ayokong kumuyakoy

kapoy itong palukso-lukso
sa patay na oras na ito
kaya't ako'y nagsusumamo
O, kapoy, iwan muna ako!

* kapoy - salitang Batangas sa panlalata ng katawan