Martes, Mayo 25, 2021

Sana, hustisya'y kamtin

di matingkala ang pinsalang 
dinulot nila sa pinaslang
tokhang ay ginawang libangang
kaylupit tungo sa libingang
di mawaring atas ng bu-ang

ngingisi-ngisi lang si Tanda
na tila baga asal-linta
habang mga ina'y lumuha
hustisya ba'y walang magawa
tatawa-tawa ang kuhila

wala na bang due process of law
paslang na lang doon at dito
proseso'y di na nirespeto
naging halimaw na totoo
silang mga walang prinsipyo

sana hustisya'y kamtin pa rin
ng mga biktima ng krimen
balang araw, mananagot din
yaong tumalimang salarin
sa atas ng bu-ang at praning

- gregoriovbituinjr.

Kumatha't mag-post lang

KUMATHA'T MAG-POST LANG

ang kawalan ng like ba'y repleksyon 
ng kawalang kaibigan doon
wala pang nag-like sa post ko ngayon
di ba nila napapansin iyon

basta isa lang ang prinsipyo ko
mag-post lang wala mang mag-like nito
katha ng katha ng kahit ano
ang tula ma'y paroo't parito

di man mag-like sinuman sa masa
ang aral sa Noli'y tanda ko pa
Kabanata Dalawampu't Lima
doon ay nagtanong si Ibarra

panulat na di maunawaan
na hieroglipiko raw naman
si Pilosopo Tasyo'y sagot lang
ito'y para sa kinabukasan

isang araling dala sa puso
kaya kinakaya ang siphayo
magninilay habang nakaupo
malugmok man ay makatatayo

wala mang mag-like sa post, ayos lang
dito naman ay walang pilitan
basta ako'y kakathang lubusan
hanggang tula'y maging daan-daan

- gregoriovbituinjr.

Pagsamba sa mutya

sinasamba ko ang mutya sa aking pag-iisa
pagkat tulad siya ng aklat na nais mabasa
kanyang mga pahina'y nilalakbay ko tuwina
kahit aking pluma'y halos mawalan na ng tinta

sinusulat ko ang mutya sa aking panaginip
na pagdatal ng panganib ay aking sinasagip
kariktan niya sa puso ko'y walang kahulilip
habang larawan niya sa dibdib ko'y halukipkip

sinimsim ko ang kanyang nektar tulad ng bubuyog
sa kanyang bitag ang puso ko'y tuluyang nahulog
bakit ba siya pa? kailan ako mauuntog?
siya ang nais ko kaya pagsinta'y iniluhog!

ako ang bubuyog sa kanyang kaytinik na rosas
ang pag-ibig kong tigib ay sadyang walang katumbas
kung siya'y aklat, dahon niya'y ayokong malagas
kung siya'y bulaklak, sa kanya'y ako ang pipitas

- gregoriovbituinjr.

Ang pusang nasok sa bintana

ANG PUSANG NASOK SA BINTANA

naroon akong nakatalungko't may naaarok
na sa pagninilay doon animo'y nakalugmok
hanggang sa isang pusa ang sa bintana'y pumasok
at napangiti na lamang sa pagkakayukayok

di siya agad lumayo, sa akin pa'y tumitig
maamo ang mukha't mata niya'y di nang-uusig
at pinagmasdan ko siyang tila kaibig-ibig
para bang walang anumang nadaramang ligalig

anong pahiwatig ng pusang nasok sa bintana
mula sa musa ng panitik ba'y may payong sadya
bilin ba'y magpatuloy ako sa nasa't pagkatha
at linangin ang saknong habang mataba ang lupa

dati'y may pusa ring alaga ang isang kasama
na lagi niyang bitbit pagpunta ng opisina
hanggang nasabing kasama'y umuwi ng probinsya
pusang alaga'y dala niyang kaybuti talaga

kaya pagdatal ng pusang iyon na anong amo
siya'y sumagi sa isip habang tangan ang baso
babarik bang muli o ayos na ang kapeng ito
at kinakathang nobela'y atupaging totoo

- gregoriovbituinjr.

Ang isdang nababalutan ng plastik

ANG ISDANG NABABALUTAN NG PLASTIK

kaytindi ng balitang nababalutan ng plastik
ang galunggong na iyon na kanilang inihibik
habang isdang yaon ang pulutan ko sa pagbarik
kinakain ko na rin kaya'y mga microplastic?

sinong may kagagawan sa ganitong nangyayari?
pag nagkasakit dahil dito'y sinong masisisi?
sisisihin mo ba'y isda't kinain nila kasi?
ang naglipanang plastik na sa laot nga'y dumami?

anong dapat nating gawin? anong mungkahi ninyo?
sa susunod na henerasyon ba'y pamana ito?
paano ang kalusugan ng ating kapwa tao?
kung hahayaan lang nating mangyari ang ganito?

pinag-uusapan talaga ang West Philippine Sea
habang sa isdang kumain ng plastik, tayo'y pipi
balita lang ba ito't magiging bulag at bingi?
o dapat tayong kumilos sa problemang sakbibi?

halina't magsama-sama at ito'y pag-usapan
at igiit natin sa maraming pamahalaan
na ating karagatan ay puno ng kaplastikan
sana namununo'y di rin plastik ang katugunan

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google

Matabang punla

MATABANG PUNLA

ang mga aktibista't tulad ng matabang punla
pagkat lipunang makatao ang inaadhika
lumalaban sa mga gahaman, tuso't kuhila
laban sa burgesyang mapagsamantala sa dukha

tumaba ang punla na araw-gabi'y dinidilig
na balang araw ay gintong palay ang mahahamig
tulad man ng dukhang isang tuka sa bawat kahig
ay patuloy sa pagkilos at pagkakapitbisig

ang manggagawa'y tulad ng masipag na kalabaw
gigising na't magtatrabaho sa madaling araw
kalabaw at tanim ay titiyaking di mauhaw
habang inaaral ang lipunan sa bawat galaw

mataba ang lupa sa paglunsad ng pagbabago
na ang mga kuhila'y patatalsikin sa pwesto
upang uring manggagawa ang maging liderato
magtatayo ng hangad na lipunang makatao

habang kapitalismo'y patuloy na yumuyurak
ng dangal ng bayan ay nariyan ang mga tibak
nagtatanim ng palay sa bundok man o sa lambak
na pawang masisipag sa paglinang ng pinitak

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google