Linggo, Pebrero 23, 2014

Sa malayong bundok

SA MALAYONG BUNDOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ititira kita sa bundok ng luho
doon mawawala ang iyong siphayo
ngunit kaipala yaon ay madugo
kayhirap marating, baka ka maglaho

ililipad kita sa bundok ng ginto
at doon ay damhin ang tibok ng puso
ikaw lang ang diyosang aking sinusuyo
habang pag-ibig mo'y di ko pa makuro

hahanguin kita sa bundok ng tanso
doon ang lahat ay pawang walang kibo
na dinadaana'y pulos baku-bako
at walang patawad sa mga hunyango

ililigtas kita sa bundok ng bungo
halos ang naroon ay pawang tuliro
iyon ang panahon ng kambal na dungo
tayo na, sinta ko, kita na'y lumayo

Ang pananahanan

ANG PANANAHANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

nais kong gumawa ng bahay sa puno
doon matutulog, kakain, uupo
pahingahan yaon ng diwang tuliro
habang umiibig ang naaping puso

nais kong likhain ang bahay sa ulap
habang ang diwata'y aking hinahanap
doon ay malayo sa anumang hirap
habang tinutupad ang bawat pangarap

nais kong buuin ang bahay sa alon
na niroromansa ng bawat pagbangon
pakakasalan ko ang diwata roon
habang nagaganap yaong rebolusyon

nais kong layuan ang bahay sa usok
na mas matayog pa sa sanlaksang bundok
kayhirap tirahan, nakasusulasok
kapag nagkasakit, tumbong ay uumbok

may nais magtayo ng bahay sa araw
pagkat wala roong panahong tagginaw
paano pag ikaw ay may kaulayaw
aba'y tiyak doon kayo'y malulusaw

nais kong itatag ang bahay sa palad
doo'y kayakap ka sa bawat pag-usad
pag-ibig sa iyo'y aking ilalahad
at huwag ka sanang biglang mapaigtad

Trahedya ng Pasong Bungo

TRAHEDYA NG PASONG BUNGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bumagsak na ang bomba nukleyar sa Pasong Bungo
walang malay ang mga taong biglang nangapaso
paningin nila't pandinig, unti-unting naglaho
bawat isa'y di makilala sa pagkatuliro

ang Pasong Bungo'y binusabos na ni Kamatayan
ang lahat na'y sinakop ng kanyang kapangyarihan
iyon na ba ang Hades nitong bagong kasaysayan?
lahat doon ay kinulong sa dusa't kasawian

bakit ba kailangan pang ibagsak yaong bomba?
dahil mga tao doo'y walang pagkakaisa?
paano kung nakatira'y payapa't masasaya?
sa trahedyang nangyari'y sinong mga mapagpasya?

Pasong Bungo ba'y bayan ng tuso't makasalanan?
na tubo ang nasa isip, di kapwa mamamayan
pulitiko'y tiwali, di talaga lingkod-bayan
ang pangunahin lagi'y kita sa pinamuhunan

nakalulungkot, bomba nukleyar pa ang sinapit
isa itong katampalasanang sadyang kaylupit
nagpakana ba nito'y nasisiraan ng bait?
habang nakatanghod lamang ang mahabaging langit?

totoo sa pangalan ng lugar na Pasong Bungo
mga mamamayan nito'y tuluyan nang naglaho
sana'y wala nang iba pang Pasong Bungong guguho
dahil wala nang bomba nukleyar saanmang dako

Isa lang akong bato sa lansangan

ISA LANG AKONG BATO SA LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

isa lang akong bato sa lansangan
kadalasang inaapak-apakan
tila wala raw akong pakinabang
kundi sila'y natitisod ko lamang

ngunit kung sa lansangan, ako'y wala
lulubog ang paa nila sa lupa
sa ulang tikatik, tiyak babaha
alikabok ay tinubigang sutla

bato lang akong aapi-apihin
ngunit kung ikaw'y mamalas-malasin
may bahagi akong nakapupuwing
ingat baka mabulag o maduling

sa lansangan, ako lang ay naroon
ngunit ako'y matatag na pundasyon
sementado't aspaltado man iyon
umasa kang makapaglilimayon