Miyerkules, Setyembre 4, 2019

Tula sa kaarawan ng biyenan at ni inay

SA KAARAWAN NG AKING BIYENAN (SETYEMBRE 5, 2019)
AT NG AKING MINAMAHAL NA INA (SETYEMBRE 6, 2019)

mahal na Nanay Sophia, mahal na Nanay Virgie
nawa'y nasa mabuti kayong kalagayan lagi
at paggabay nyo sa mga anak ay manatili

kayo'y aking mga inang tunay na minamahal
pagkat inihahandog nyo'y mga gabay at aral
upang kami'y mapanuto at bumuti ang asal

kami'y inalagaan mula pa sinapupunan
hanggang kami'y isilang at bigyan nyo ng pangalan
hanggang marating ang kasalukuyang katayuan

maligayang kaarawan po sa inyong dalawa
inspirasyon kayo ng mga anak sa tuwina
nawa'y kamtin nyo'y buhay na malusog at masaya

happy birthday, taas-noong pagpupugay sa inyo
kayo ang sanhi bakit kami'y narito sa mundo
muli, maligayang kaarawan! mabuhay kayo!

- gregbituinjr.

Markang bungo

kapara ko'y bungong nakatunganga sa kawalan
nakatitig sa kisame, may ulap sa isipan
tangay ng hangin mula kanluran tungong silangan
nananaginip, lumalaban doon sa sabungan

magkano bang inyong pusta sa aking talisayin
magaling itong umiwas nang dagitin ng lawin
matikas, maginoo, mahinahon pa't abuhin
marami nang nabiktimang dumalaga't inahin

bungo pa rin akong sa kawalan nakatunganga
kagaya ko rin lang ang mga maharlika't dukha
sinumang tao'y mamamatay, mangmang at dakila
isinilang ng hubad, ibabaon din sa lupa

hiling ko'y huwag pagkaitan ng luksang parangal
may munting programa, na di pala tayo imortal
may tutula, kahit tingin man nila ako'y hangal
na tulad ko palang tibak ay kumilos ng banal

- gregbituinjr.

Singgaan lang ako ng balahibo pag namatay

singgaan lang ako ng balahibo pag namatay
sa malao't madali'y maaagnas din ang bangkay
obrero'y magsasabi kung nagsilbi akong tunay
na inalay ko sa kilusan ang iwi kong buhay

wala naman akong pag-aaring ihahabilin
sa burgesya iyon, may pag-aaring mamanahin
tibak akong walang anumang pag-aaring angkin
kundi isip, lakas-paggawa't katawang patpatin

ayokong mamatay sa sakit kundi sa labanan
hanggang huli, nais kong mamatay sa tunggalian
marahil, bala sa noo ko'y magpapatimbuwang
pagkat nilabanan ang mga namumunong buwang

sa huling lamay sa burol ko nawa'y may tumula
o gabi ng pagtula ng kapwa dukha't makata
tulang ako'y sosyalistang nagsilbi sa paggawa
sa huli'y kasangga pa rin ang uring manggagawa

- gregbituinjr.