Linggo, Oktubre 11, 2015

Paghipo sa lupa

PAGHIPO SA LUPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

lupang kaisa'y di dapat maglaho
tahanan ng lumad, lupang ninuno
sa kapalaran nito'y manlululumo
nanganganib, nawawasak ng buo
na isinusuka'y sanlaksang dugo

lupa'y patuloy na naghihimagsik
pagkat saksi sa matang nagsitirik
masang nangabuwal, dugo'y tumitik
ginuhit na palad ng mababagsik
na kaimbian ang inihahasik

lakaring yapak, hipuin ang lupa
damhin sa palad ang kanyang pagluha
ang bawat sugat niyang iniinda
sa puso'y hibik ng mga ulila
lupang katutubong nasa'y kalinga

Ang diwata sa kagubatan

ANG DIWATA SA KAGUBATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

naroon akong sinasamba ang kariktan
ng kayrikit na diwata sa kagubatan
di matutulog ang gabi ng panagimpan
hangga't alindog niya'y di nasisilayan

payak man ang ngiti't mapupungay ang mata
kapayakan niya ang nakahahalina
iwing puso'y umiindayog sa nadama
pagkat mutya siyang aking dinadambana

sino akong sasamba sa kariktang yaon
kundi makatang sa gubat naglilimayon
at humahabi ng salitang suson-suson
upang mapasaya ang babasa paglaon

ako'y lupa lamang na sinasamba'y langit
na sinasatitik yaong sa puso'y awit
usad ng panitik alay sa mutyang kayrikit
handog sa kanya bawat nakakathang dalit

nawa'y bigyang-pansin ng mutyang sinusuyo
ang damdaming itong di sana masiphayo
lumigaya kahit saglit ang iwing puso
sa panagimpan man lang, di ako mabigo