PAGTITIG SA KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
nais kong magpahinga, lumayong pansamantala
gamit na papel at bolpen ay itinago muna
ngunit may mga tauhang pangkwentong nang-abala
na sa iwi kong guniguni'y panay bulong nila
bago ko raw malimutan ay maisulat sila
kaya nakatitig sa kisameng ako'y tulala
mga tauhan itong takbo ng takbo sa diwa
ibinubulong sa akin ang kanilang adhika
ating mga karapatan ay ipaglabang lubha
huwag kalimutang kwento nila'y aking itula
pagtulog sana'y pahinga ngunit sila'y patuloy
sa panaginip ko'y nagkukwento't laboy ng laboy
nariyang inakyat nila ang mataas na kahoy
kanilang lilikumin ang bawat dahong naluoy
at pababayaang mamunga sa kaygandang suloy
kayrami nilang ikinukwento sa panaginip
na di ko agad maunawa, di agad malirip
kalaunan, nais palang sila'y aking masagip
mula sa mga suliraning nilikha sa isip
at gigising akong may bagong kwentong halukipkip