PAGTAHAK SA BAKU-BAKONG DAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
tinatahak yaong landas ng kawalang hustisya
ilang ulit nang nadapa't nagsibangon ang masa
subalit nananatiling marubdob ang sistema
sandigan lagi'y puhunan, dukha'y estapuwera
tila lumukob ang araw ng kawalang pag-asa
ngunit dapat makibaka, patuloy na bumangon
upang hagilapin anumang marapat na tugon
mga kabataang sa bisyo'y di dapat malulong
habang aso sa takipsilim ay umaalulong
at sa ulo ng makapili’y may saklob na bayong
nahan ang musang pangarap at tunay na kaylambing
sa kalangitan ay tila bituing nagniningning
nabiyak ang tibuyo't mga barya'y nagkalansing
makata'y di makita nahan na ang toreng garing
habang maso'y tangan ng manggagawang magagaling
nakapwesto na ang mga buwaya sa katihan
nagtataingang-kawali sa hinaing ng bayan
puhunan ang nananatiling makapangyarihan
sa bayang inaakala nilang tuwid ang daan
gayong baku-bako pa't puno ng katiwalian