Sabado, Pebrero 19, 2022

Sa hagdanan

SA HAGDANAN

naroon lang ako sa hagdanan
kung saan ko pinagninilayan
ang samutsaring isyu ng bayan
at kalagayan ng kalikasan

lalo't isa akong aktibista
na lagi nang laman ng kalsada
lipunang makatao ang nasa
kaya naritong nakikibaka

at patuloy akong kumikilos
upang ating baguhin ng lubos
ang kalagayang kalunos-lunos
ng masang api't binubusabos

niyakap ang simpleng pamumuhay
puspusang nakikibakang tunay
sa hagdanan ding iyon nanilay
anong mga dahilan ko't pakay

linisin ang lipunang mabaho
labanan ang burgesyang hunyango
tangan ang prinsipyo'y pinangako
lipunang makatao'y itayo

- gregoriovbituinjr.
02.19.2022

Sa abangan ng dyip

SA ABANGAN NG DYIP

anong init yaong paglalakad
sa tanghaling tapat nakababad
sa banas, buti't di naghuhubad
subalit ano nang nakalahad

sa abangan ng dyip ay papara
tumigil muna't aking nabasa
ang nakasulat sa karatula
na talaga namang kakaiba

sapagkat doon ay may dinugtong
na ibang iba ang nilalayon
paano kaya makakabangon
kung karne'y titigilang malamon

kayganda niyon pag naunawa
tugon daw iyon sa klima't sigwa
tulong sa kalikasan at bansa
aba'y anong gandang halimbawa

may kalaliman kung intindihin
ngunit esensya'y ating kapain
na may iba tayong iisipin
na kalikasa'y alagaan din

tigilan ang pagkain ng laman
ng hayop at maging vegetarian
gulay at isda'y sapat din naman
upang mapalakas ang katawan

- gregoriovbituinjr.
02.19.2022

Luntiang lungsod

LUNTIANG LUNGSOD

asam ko'y luntiang kalunsuran
mapuno at masarap tirahan
may maayos na kapaligiran
maraming tanim ang kalikasan

kulay-lunti ang buong paligid
payapa ang kasama't kapatid
walang sa dilim ay binubulid
kapanatagan sa diwa'y hatid

mamamayan doo'y mahinahon
ang mga batas ay naaayon
hanging kaysarap, walang polusyon
basura'y sa tama tinatapon

lunti't walang pagsasamantala
ng tao sa tao, anong ganda
ng buhay ng mga magsasaka,
ng dukha't obrero, at iba pa

sa ganyang lungsod, sinong aayaw
kung di maalinsangaw ang araw
kung payapang mamuhay, gumalaw
kung paligid, malinis, malinaw

lipunang lunti at makatao
na ipinaglalabang totoo
sana'y makatahan sa ganito
sa lungsod na pinapangarap ko

- gregoriovbituinjr.
02.19.2022