Sabado, Setyembre 11, 2010

Sa Bitag ng Kawalang Katiyakan

SA BITAG NG KAWALANG KATIYAKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hindi tiyak ang bukas ng buhay kong iwi
tila ba nabubuhay akong isang sawi
dapat pa bang sa mundo ako'y manatili
gayong wala nang katinuang nalalabi

hindi tiyak ang bukas ng iwi kong buhay
tila ba sa mundo wala na akong saysay
pagkat diwa ko't pusong iwi'y nalulumbay
ako ba, aking mahal, ay isa nang patay

ako'y nabitag ng kawalang katiyakan
paano aalpas sa ganitong kulungan
ninais kong landasin ang tuwid na daan
ngunit ang nilalandas ko ba'y kamatayan

mahal ko, iniibig kita, tandaan mo
ikaw lang lagi ang laman ng pusong ito
inspirasyon kita't tanging kasiyahan ko
at sa pakikibaka'y magkasama tayo