Linggo, Oktubre 12, 2008

Ang Duguang Kamiseta ng Isang Juan Dela Cruz

ANG DUGUANG KAMISETA NG ISANG JUAN DELA CRUZ
ni Gregorio V. Bituin Jr.

halos basag na ang kanyang bungo
naaagnas na rin ang kanyang tadyang
habang bali naman ang ilan niyang mga buto
marahil dulot ito ng mga pasa at bugbog
na kanyang inabot sa kamay ng mga kumuha
sa kanya na nagdulot ng sugo sa kanyang kamiseta
ang duguang kamiseta ng isang Juan dela Cruz
ay patunay ng dinanas niyang kalupitan
habang winasak ng matalim na bagay
ang kanyang kamiseta habang
isang panggapos ang katabi ng kanyang labi
dalawang talampakan lamang ang lalim
ng kanyang pinaglibingan
marahil ito'y sa pag-aapura
ng sa kanya'y pumaslang

ano kaya't ang kanyang duguang kamiseta'y
suutin ng isa man sa atin
tayo'y mangangamba marahil
tulad ko, sa ganitong layunin
dahil baka malasahanko rin ang dugong
dumaloy habang siya'y pinahihirapan

marahil marami pang kwentong
nakatago sa kamiseta ni Juan dela Cruz
na hindi natin alam
at maaaring di na malaman pa
dahil ang lihim nito'y
baka naibaon na rin

gayunman, hindi lamang ebisensya
ang duguang kamiseta ng isang Juan dela Cruz
isa rin itong saksi
sa lagim ng gabi

Mga Impit sa Silid

MGA IMPIT SA SILID
ni Gregorio V. Bituin Jr.

naririnig ko ang daing
ng nasa kabilang silid
maaawa ka't magdurugo ang puso
sa kanilang kahabag-habag
na sinapit
parang ako ang kanilang binibira
habang patuloy akong nagmumura
putang ina, ako na lang, huwag sila
gusto kong akuin na ako na lang
ang kanilang pahirapan
pagkat mas naghihimagsik
ang aking kalooban
ramdam ko ang kaapihan nila
ngunit wala akong nagawa, wala
pagkat tulad nila
ako ri'y nakapiring
alam ko kung gaano kahapdi
ang kanilang sinapit
kung gaano kalupit
ang sa kanila'y nagmamalupit
kung gaano kahayop
ang mga wala nang bait
parang mga halimaw
ang kanilang kaharap
ngising aso at buwitreng humahalakhak
tuwang-tuwa ang mga tortyurer
sa kanilang mga ginagawa
siyang-siya ang kalooban nila
a, naririnig ko ang mga daing
habang ako'y nakalugmok naman
at pinahihirapan din
sa kabilang silid

SUPORTAHAN AT ISABATAS ANG ANTI-TORTURE BILL, NGAYON!!!

Kung Walang Aktibista

Ginawan ko ng tula ang isang makabuluhang quotation ng isang manunulat:

Link: http://kimquilinguing.multiply.com/journal/item/33/Repressing_Democrac...

Activism, I think is the cornerstone of democracy, without activism, there would be repression, oppression, and injustice. Without activism, we would not have gotten rid of a dictator and jueteng-linked actor. Without activism, we would not be enjoying some small freedoms in our jobs, our schools, our communities, and our countries to which activists have spent countless hours, days, and even years. Freedoms for which these activists have laid down their lives and the lives of those they love, so that the country would be better. Freedoms which some people in government and the Armed Forces also enjoy and use to oppress others.

It is to activists of yesterday, that the youth of today, including those in the Armed Forces, owe their cherished liberties.


KUNG WALANG AKTIBISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kung walang aktibista
maraming mang-aapi
at magsasasamantala

Kung walang aktibista
patuloy ang kawalang katarungan
sa marami nating kababayan

Kung walang aktibista
patuloy pa rin ang diktadurya
at pamumuno sa bayang
itinuring na pelikula

Kung walang aktibista
wala tayong munting kalayaan
sa ating paaralan
sa pamayanan at sa ating bayan

Maraming aktibista
ang nagsakripisyo ng buhay
dugo't pawis sa bayan ay alay
ngunit marami sa kanila'y pinapatay

Maraming aktibista
ang dinukot at pinaslang
ng mga taong kaluluwa'y halang
naging desaparecido sa mga magulang

Tama lamang na may aktibista
upang mawala ang mapagsamantala
sila ang nagbibigay ng pag-asa
sa taumbayang patuloy sa dusa

Mapanganib manahan sa mundong ito
hindi dahil masasama ang mga tao
kundi dahil nagsasawalang-kibo tayo
sa mga nakikitang mga kabulukan
sa mga naririnig na kurakutan
sa mga nararamdamang kaapihan

Masarap manahan sa mundong ito
dahil may aktibistang hangad ay pagbabago
nakaukit sa diwa'y pagpapakatao
pag-ibig, at pakikipagkapwa-tao
pagkat nais ay lipunang wasto
pagkat puso'y para sa kapakanan ng mundo

Ako'y mamamatay na isang aktibista
Pagkat ako'y nabubuhay na tulad nila
Nawa ang nalikha ko ngayong tula
Ay maitula ko sa bawat nilikha.

- Oktubre 10, 2008

Paghahanda

PAGHAHANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

marami na silang nangawala
at hindi na nakita ang kanilang anino
ni ang kanilang katawan
silang mga nangawalang
sadyang may paninindigan
sadyang may ipinaglalaban
para sa pagbabago ng lipunan
ngunit sila'y nasaan
ilang araw na, linggo, buwan
at taon na ang pawang nagdaan
ang ipinaghintay ng kanilang magulang,
asawa, mga anak, mga mahal sa buhay
ngunit hindi pa rin sila nagbabalik
ni walang makapagturo
kung saan sila naroroon

paano ba sila nabuhay
tiyak may aral yaong taglay
na siya kong naging gabay
sa mga tulad naming anak ni inay

paano ba dapat mamatay
paano kung ako'y matulad din
sa kanilang kahabag-habag na sinapit
silang may dakilang layunin
para sa katubusan ng masa
mula sa kuko ng mapagsamantala

paano ba dapat maghanda
paano ba dapat ihanda ang damdamin
ng mga mahal sa buhay
kung sakaling isa ay mawala
ako, ikaw, o siya
kung sakaling kahit bangkay ma'y
ibinaon na't hindi na makita

hindi ko aatrasan ang prinsipyong
naging gabay ng aking pagkatao
kaya marapat lang ihanda ko na
ang aking sarili sa pakikipagtuos
kay Kamatayan ng wala sa panahon

mamamatay ang aking katawan
ngunit tinitiyak kong
mapaslang man ako'y
hindi nila mapapaslang
ang tangan kong prinsipyo
at ang mga hinabi kong tula