PAGNINILAY SA ISYUNG DROGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
I
may karapatan din ba iyang mga adik?
na sugapa sa droga't mata'y mabalasik
biktima raw kasi ng hirap silang lintik
na araw-gabi na lamang sa droga'y sabik
hanggang nagawa ang krimeng kahindik-hindik
II
kayraming rason, nawala raw sa sarili
kaya nasaksak si ganito o ganire
kaya nagahasa ang magandang babae
kaya ninakawan ang matandang lalaki
kaya pinatulan ang dalagang pulubi
III
totoo namang problema ang kahirapan
subalit bakit droga ang naging sandalan
tapos ay nakakagawa ng kasalanan
wala na ba silang ibang maaasahan
upang kagutuman ng pamilya'y maibsan
IV
hilig nilang manghiram ng tapang sa droga
pag nakagawa ng krimen, nadakip sila
di raw nila alam ang ginagawa nila
kaya patawarin nyo daw po sila, ama
pagkat sila naman daw ay mga biktima
V
di lang simpleng biktima silang mga adik
kung gumawa ng krimen, sila'y mga suspek
dakpin sila't huwag nang magpatumpik-tumpik
ngunit huwag papaslanging tulad ng biik
bigyang pagkakataong litisin ang lintik
VI
mayroon naman daw karapatang pantao
unawain ang mga pusakal na ito
dahil daw sa karukhaan ay naging gago
isaalang-alang daw ang due process of law
sige, ipagtanggol natin ang mga ito
VII
sadyang masalimuot ang problemang droga
gayong di tugon sa karukhaan ng masa
nais lang dusa'y alpasang pansamantala
subalit laksang problema'y naririyan pa
sa mga mahihirap ay nananalasa
VIII
rehabilitasyon, nais na raw magbago
o baka natakot pasabugin ang ulo
sa bala, ngayon lang daw nila napagtanto
droga pala'y masama, ows, di nga, totoo?
kahit nakinabang sila dito ng husto
IX
ugat daw ng drogang iyon ay karukhaan
rehabilitasyon naman ang katugunan
parang hindi yata, malaki ang kaibhan
rehabilitasyon, tugon sa kahirapan?
pag na-rehab ba, adik na'y magsisiyaman?
X
gayunman, adik ay bigyang pagkakataon
sa mga programa ng rehabilitasyon
bakasakali ngang magbago sila roon
habang pag-aralan ang totoong solusyon
panlipunang problema'y anong tamang tugon