BIKTIMA NI PABLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
bumulwak ang ilog, yumanig ang lupa
ang hangin at ulan ay rumaragasa
buong kalunsura'y nilubog sa baha
doo'y kayrami ng mga naulila
ano ang dahilan, ang tanong ng tao
sinong sisisihin sa nangyaring ito?
ang kalikasan bang nagngalit ng todo
o ang pagmimina't bundok na kinalbo
daan-daan yaong mga nangamatay
kayrami rin yaong nangasirang bahay
lulutang-lutang din ang maraming bangkay
ang unos na Pablo ang dahilang tunay
sadyang larawan ng matinding delubyo
tila katapusan na ito ng mundo
walang pinipili, walang sinasanto
kawawang-kawawa ang maraming tao
ang nangyari'y dapat lang pakasuriin
kung mangyari muli'y ano nang gagawin
pagsagip ng buhay ay dapat planuhin
biktima ni Pablo'y tulungan din natin