Linggo, Pebrero 17, 2019

Pakibalik po ang charger, maraming salamat po

PAKIBALIK PO ANG CHARGER, MARAMING SALAMAT PO

Bakit kayhilig mong manghiram ng charger, tanong ko
Bakit di ka mag-ipon nang makabili ka nito?
Di naman nagdadamot ngunit dapat mabatid mo
Kami ang di makagamit pag kailangan ito.

Payo ko'y huwag kang mahirati sa panghihiram
Lalo't ang hinihiram mo'y lagi mong kailangan
Matuto kang bumili at charger ay pag-ipunan
Lalo't oras-oras mo'y selfon ang katalakayan.

Ayos lang sana kung ang paghiram mo'y isang beses
Subalit kung araw-araw na, ito'y labis-labis
Baka sa susunod, para ka nang taong may galis
Iniiwasan ka pagkat sa iyo'y naiinis.

At kung nakahiram ka'y matuto ka ring magbalik
Kawawa ang hiniraman mong nais ding gumamit
Baka sa kahihintay sa iyo, mata'y tumirik
Nakahiram ka na nga'y nais mo pang may kagalit.

O kaya'y ibigay na namin ang charger sa iyo
At kami na lang ang bibili ng charger na bago
Sana'y masaya ka na't huwag nang mang-iistorbo
Dahil mayroon ka nang charger na solong-solo mo.

- gregbituinjr.