nagsalita na ang sambayanan
sila na'y pawang nahihirapan
kuryenteng mahal ay tinutulan
pagkat dagdag pasanin sa bayan
kuryente'y serbisyo, di negosyo
sa plantang coal, bayan ay dehado
ngala-ngala'y magiging barado
sa bulsa at baga pa'y perwisyo
kalikasa'y kaytagal nagtiis
sa maruming karbong labis-labis
ang buhay ng tao'y numinipis
dahil karbon na ang tumutugis
renewable energy'y gamitin
at plantang coal ay iwaksi na rin
presyo ng kuryente'y pababain
pati buwitre sa bayan natin
budhi ng negosyo'y tila hubad
naglalaway lang sa tubong hangad
hustisya'y pagong pa ring umusad
sa bayang iniikot sa palad
- tula't litrato ni gregbituinjr.