ingat, baka matibo, ang sabi ng aking pinsan
nang minsang kami'y naglalakad doon sa tubuhan
may tibo raw na anong liliit sa sa dahon niyan
na dapat ko raw iwasan upang di masugatan
dahil doon, maraming salamat sa kanyang payo
kaya sa masukal, nag-iingat ng taos-puso
di lang sa ahas mag-ingat kundi pati sa tibo
pagkatakot sa madadawag ay agad naglaho
kaya kahit mapunta ako sa ibang probinsya
mag-ingat sa madadawag ay ginagawa ko na
mahirap maisahan, kahit tibo lang ay isa
aaringking ka sa sakit, buong araw na dusa
may lason man o wala, pag sa balat mo'y tumusok
kung kagat man ng langgam iyon ay di ko pa arok
magandang pagsasanay nang makaiwas sa tusok
maging maingat saan mang mapasuot na sulok
- gregbituinjr.
Huwebes, Mayo 14, 2020
Paninilip
naninilip siya sa butas nang aking mahuli
ngunit di siya umaamin, walang sinasabi
upang malaman ang totoo'y sisilip din dini
upang magkasala rin ako't dalawa na kami
paano kung ako'y pagbintangan ding namboboso
o kaya'y nagmamanman siya't may ibang sikreto
depende marahil sa lugar o katayuan n'yo
kung matatakasan agad ang sitwasyong ganito
bakit nga ba may masasaya kapag naninilip
dahil ba pulos libog ang nadama't naiisip
o baka tumatayo na kapag nananaginip
kaya dapat ilabas ang kung anong halukipkip
sana'y walang mangyaring masama sa binosohan
sana'y hanggang silip na lang ang kanyang maranasan
huwag na sanang sumobra't lumampas sa hangganan
at panatilihin na lamang ang kapayapaan
- gregbituinjr.
Nagagalit sa sarili
nagagalit sa sarili pag ako'y pumapalpak
di ko sinisisi ang asawa ko't mga anak
o kahit kaibigan, kakilala, kamag-anak
sarili lang ang sisisihin pagkat ako'y tunggak
bakit iba'y sisisihin sa pagkakamali ko
sila nga ba ang talagang nagkamali o ako
mahirap bang sa sarili'y tanggapin ang mali mo
tatanggapin ko ang mali upang makapagwasto
ilang beses na rin ba akong gumapang sa lusak
ilang beses na sa pagkilos muntik mapahamak
ilang beses nang nakatikim ng suntok at tadyak
ilang beses na rin ba akong gumanti't nanapak
kapalpakan ko ba'y maisisisi ko sa iba
o sarili'y pakasuriin at mag-analisa
magwasto upang makapaglingkod pa rin sa masa
sarili'y ayusin kung narito ang diperensya
nangyari'y pagnilayan, magwasto kung kailangan
magpakatao ka pa rin sa harap ng sinuman
makipagkapwa, di man makatao ang lipunan
gawain at tungkulin mo'y pagsikapang galingan
- gregbituinjr.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)