Miyerkules, Pebrero 17, 2010

Tagay Muna

TAGAY MUNA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Tumagay tayo ngunit huwag manggugulo
Pagtagay nati'y di para sa basag-ulo
Bilang pakisama, tagay muna, pare ko
Kahit pansamantala lang, magsaya tayo

Kasabay ng tagay ay magkwentuhan tayo
Kumusta ka na ba, kumusta ang trabaho
Kaibigan, sapat ba ang sinasahod mo
kahit alam mong kontraktwal lang pala kayo?

Kasabay ng tagay, pulutan ay narito
Nariyan ang sisig, pritong mani, barbekyu
Talagang inihanda ko para sa inyo
Paalala: pulutan, di hapunan, ito!

Halina, kaibigan, tayo nang tumagay
Pansamantalang aliwin ang iwing buhay
Tanda ng pakikisama't pakikibagay
Ang alak ay kasamang pantanggal ng lumbay

Nanghihiram ng Tapang sa Alak

NAGHIHIRAM NG TAPANG SA ALAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"Kung sinong matapang diyan, lumabas dito!"
Ang sigaw ng lasenggo doon sa may kanto
Aba'y kaytapang naman ng lasenggong ito
Bigla yatang tumapang dahil nga kargado.

Nanghihiram ng tapang sa alak ang loko
Lumalaklak ng alak dahil problemado
Naghahanap ng damay kaya nanggugulo
Ang mga tulad nila sa tao'y istorbo

Ang kanyang sarili'y nilulunod sa alak
Pagkat ramdam niya'y gumagapang sa lusak
Imbes resolbahin ang problemang nagnaknak
Ang sarili pa niya ang pinapahamak

Siya'y iyong kausapin pag nahulasan
Problema niya'y di raw niya makayanan
Kaya alak yaong napagdidiskitahan
Ito'y kanyang pansamantalang kaibigan

Kayrami na nilang sa alak tumatapang
Lakas ng loob nila'y sa alak hiniram
Kaya sila'y laging wala sa katinuan
Imbes magsuri'y nilunod ang lalamunan

Patak-patak, Bilog, Lapad

PATAK-PATAK, BILOG, LAPAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Halina't tayo'y magpatak-patak
Upang makabili na ng alak
Minsan lang naman tayong lalaklak
Sa ilang tagay, di bumabagsak

Halina't utangin na ang bilog
Basta't sa utag huwag malubog
Bago tumagay, tiyaking busog
Nang tiyan mo'y di naman umalog

Kung walang bilog, kahit na lapad
Pag nalasing, huwag kang lilipad
Ingat baka ikaw ay sumadsad
Una ang nguso sa pagbaligtad

Inumin lang natin ay 'yung kaya
At maya-maya'y magpahinga na
Huwag sagaran o bara-bara
Baka tuluyan kang mamahinga

Alak sa Tiyan, Di sa Ulo

ALAK SA TIYAN, DI SA ULO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Ilagay ang alak sa tiyan, di sa ulo
Nararapat gawin ng tatagay ay ito
Magkasayahan lang at di para manggulo
Makipag-inuman upang sumaya tayo
Inumin ang alak, pulutanin ang kwento.

Ito naman ay tanda ng pakikisama
Ng magkaibigan o bagong kakilala
Lalo na yaong matagal na di nagkita
Ngunit kung ang inuman ay araw-araw na
Ang gawaing ito'y di na yata maganda

Tamang makisama ngunit huwag magbisyo
At baka ituring na tayo nga'y lasenggo
Mapagbintangan pa tayong namemerwisyo
At baka sabihang pasimulo ng gulo
Kaya sa pagtoma, hinay-hinay lang tayo.

Nais lang natin ay kaunting kasiyahan
Pagkagaling sa trabaho o anupaman
Tanggalin ang pagod kaya nag-iinuman
Kaya ating isipin at pakatandaan
Ang alak ay di sa ulo, kundi sa tiyan