SA KAARAWAN NG MAHAL KONG INA
(sa kanyang ika-65 kaarawan at pagretiro
sa trabaho, Setyembre 6, 2011)
sa trabaho, Setyembre 6, 2011)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
isang maalab na pagbati, mahal kong ina
na sa kaarawan mo, ikaw'y retirado na
haharapin mo na ngayon ay buhay na iba
pagkat tapos na ang iyong buhay-opisina
kilala ka namin, inay, napakatatag mo
anuman ang problema'y hinaharap ng todo
malalim magsuri at matalas magkomento
na sa palagay ko'y namana namin sa iyo
tulad ng graduation, iba na ang haharapin
pagkat panibagong buhay na ang tatahakin
di iyan simpleng pagtigil sa dating gawain
kundi bagong plano na ang pakaiisipin
pagbati, inay, ng maligayang kaarawan
ako man po'y tupang pulang nag-iba ng daan
ngunit tinahak ko'y para sa pagbuti naman
ng higit na nakararaming kapatid at bayan
maraming salamat, inay, sa inyong pang-unawa
alam nyong ang tinahak ko'y landas na dakila
payo nyo nga noon, basta gawin ko ang tama
kahit maghirap, basta't mabubuti ang gawa
nagpupugay kami sa aming dakilang ina
kaming anak ng Batanggenyo't Kinaray-a
di ka nagpabaya lalo't kami'y may problema
kahit matigas ang ulo ko'y naririyan ka
handang magpayo sa anak, handang umunawa
kahit madalas masakit, ikaw'y lumuluha
ngunit pinakita mong matatag ka't di nagigiba
sa pagpayo mo sa amin, di ka nagsasawa
kaming anak ninyo'y naririto't nagninilay
sana kaligayahan ang sa inyo'y dumantay
nagpapasalamat sa walang-sawa nyong gabay
maligayang kaaarawan at salamat, inay