Miyerkules, Marso 13, 2024

Promosyon ng heneral, hinarang ni misis sa CA

ULAT: PROMOSYON NG HENERAL, HINARANG NI MISIS SA CA
 
Narito ang bahagi ng ulat mula sa pahayagang Abante. Marso 13, 2024, pahina 2:

Naudlot ang promosyon ng isang opisyal ng Philippine Army (PA) matapos itong harangin ng kanyang asawa sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA).

"I think di niya deserve maging isang general sa aking paniniwala kung isa kang heneral, naiintindihan mo ang responsibility, accountability of the people," pahayag ni Tessa, bago ang pagdinig ng CA.

Lahad pa ni Tessa, matagal umano siyang nananahimik at tiniis ng mahabang panahon ang diumano'y pag-abusong naranasan niya sa kamay ng kanyang asawang sundalo. Maliban sa pangangaliwa, nakaranas din umano ng pisikal at mental na pag-abuso ang kanyang mga anak sa kanyang asawa.

"Ganoon ba ang isang kapita-pitagang gentleman na nag-graduate sa prestihiyosong academy, hinahayaan nakatira sa loob ng kampo ang kabit. Kami ng mga anak ay nagmamakaawa. 'Yan ba ang ipo-promote n'yong general, matagal na kaming naghihirap, tinitiis namin," sambit pa niya.

Nitong Martes, nagsagawa ng executive session ang mga miyembro ng CA panel on national defense para talakayin ang appointment ni Sevilla. Pagkatapos nito, ipinagpaliban ang kumpirmasyon ni Sevilla. [Dindo Matining]

TULA: PROMOSYON NG HENERAL, HINARANG NI MISIS SA CA

mabuhay si misis sa Buwan ng Kababaihan
pagkat kanyang mga karapatan ay pinaglaban
kanyang asawa'y hihiranging heneral ng bayan
na sariling pamilya'y sinasaktan at iniwan

pati daw kabit ay ibinabahay pa sa kampo
ano ba 'iyan, ser, masyado ka palang abuso
kung sundalo ka, responsibilidad ay alam mo
alam ni misis, may pananagutan ka sa tao

mabuti't hinarang ni misis ang iyong promosyon
bilang brigadier general sa ating bansa ngayon
sana reklamo ni misis ay mabigyan ng aksyon
at salbaheng kawal ay di iangat ng posisyon

paano ang bayan kung nagawa'y gayon kay misis
dapat ang ganyang kawal sa liderato'y matiris
taaskamao pong pagpupugay sa iyo, misis
ramdam mong may hangganan din ang iyong pagtitiis

- gregoriovbituinjr.
03.13.2024

Sapat, Sapit, Sapot

SAPAT, SAPIT, SAPOT

maraming salitang isasagot
tulad ng SAPATSAPIT SAPOT
huwag ka lamang magbabantulot
kung katanungan ay di mo abot

buti't sa Ikasiyam Pababa
naroon ang tanong na nagbadya
kaya sinagot mong nakahanda
ang krosword ng buong puso't sigla

palaisipan ay sadyang ganyan
ang salita'y pinaglalaruan
maging handa ka lang sa anuman
pagkat hinahasa ang isipan

dumi ng gagamba'y SAPOT pala
nang sa sagot ay nakaSAPIT ka
bagamat di pa SAPAT ang saya
upang manglibre ka ng meryenda

- gregoriovbituinjr.
03.13.2024

Huwag kang dadalaw sa aking burol, kung...

PAMBUNGAD

lahat naman tayo'y tiyak na mamamatay
bala ma'y tumama o sa banig naratay
ngunit sino bang kaibigan o kaaway
ay baka di na natin malalamang tunay
sino kayang duduraan ang aking bangkay
sino kayang kakilala ang malulumbay
kaya narito'y tulang aking inaalay:

HUWAG KANG DADALAW SA AKING BUROL, KUNG...

huwag kang dadalaw sa aking burol, kung
sa pesbuk ay di ka nag-like sa aking tula
sa rali ay di tayo nagkasamang sadya
di ka kaisa sa laban ng manggagawa
nang-aapi ka ng kapwa ko maralita
nagsasamantala ka sa babae't bata
dyaryo naming Taliba'y binabalewala

huwag kang dadalaw sa aking burol, kung
di ka nagbabasa ng tula ko sa pesbuk
di mo tinutuligsa ang sistemang bulok
di mo batid anong gagawin sa tatsulok
di mo alam bakit hinuhukay ang bundok
asam na lipunang makatao'y di arok
mula korupsyon sa bulsa mo'y isinuksok

huwag kang dadalaw sa aking burol, kung
di mo pa batid ang ugat ng kahirapan
dangal ng mahihirap ay niyuyurakan
walang pakialam sa panitikang bayan
makakapitalista ka't makadayuhan
mapagsamantala ka kahit kababayan
di ka payag sa living wage, ika'y kalaban

huwag kang dadalaw sa aking burol, kung
hanggang ngayon, di mo alam ang Climate Justice
hinahayaan mong maralita'y Just Tiis
ugali't diwa mo'y nananatiling burgis
sa manggagawa't dukha, ikaw ay mabangis
sa pagkupit sa kabang bayan ay mabilis
tuso ka't tiwali, kutis mo ma'y makinis

huwag kang dadalaw sa aking burol, kung
kabilang ka sa elitistang naghahari
kaya burgesya ay lagi mong pinupuri
sa rali nami'y puno ka ng pagkamuhi
sa binigay naming polyeto'y nandidiri
kabarkada mo ang mga sakim at imbi
at sa masa'y kilala kang mapang-aglahi

huwag kang dadalaw sa aking burol, kung
di kayang ipanawagan ang sosyalismo!
layunin mo'y pulos pag-aaring pribado!
ayaw itayo ang lipunang makatao!
wala kasi sa toreng garing ang tulad ko
kaya kaming makata'y minamaliit mo
binabalewala ang aming tula't libro

- gregoriovbituinjr.
03.13.2024

Wala mang like

WALA MANG LIKE

batayan ba ng kawalan ng kaibigan
ang isa, dalawa, o walang like sa pesbuk
kung pag-like nila ang isa nating batayan
kung di ka ba ni-like, ikaw ba'y malulugmok

mabuti't may payo si Pilosopo Tasyo
sa Kabanata Dalawampu't Lima, Noli
Me Tangere, pati rosas ay yumuyuko
sa hangin, kundi ito'y mababali, sabi

tanong pa ni Ibarra sa sinulat niyon
sa anyong baybayin o hiyeroglipiko
ani Tasyo, baka sunod na henerasyon
ang makakaunawa sa sulating ito

ang pesbuk ay repleksyon, di iyan ang buhay
kung walang mag-like, huwag sumakit ang loob
tula'y hilig, kahit dama mong tula'y tulay
sa masa, tuloy lang sa pagtulang marubdob

kaya wala mang mag-like sa katha kong tula
o walang kaibigan, di tayo iyakin
sakaling ako'y mababaon na sa lupa
ay baka doon lamang tula ko'y basahin

- gregoriovbituinjr.
03.13.2024

Pagkamatulain

PAGKAMATULAIN

isyu't pangyayari'y sinasariwa
dinaraan sa pagitan ng mangha
habang mga isda'y nakatingala
sa langit na lubos ng talinghaga

may saloobin kahit karaniwan
may saya't lumbay sa nadaraanan
sariwain ang mga nakaraan
baka may talinghagang matuklasan

akyatin man ang matarik na bundok
at bandila'y ititirik sa tuktok
tatanganan ng makata ang gulok
at baka may talinghagang maarok

langit ay tinitigang parang tuod
at diwa'y sa laot nagpatianod
kabundukan ay talagang sinuyod
upang mailarawan sa taludtod

- gregoriovbituinjr.
03.13.2024

* litrato mula sa app na Word Connect

Batang 3-anyos, nasagasaan, patay

BATANG 3-ANYOS, NASAGASAAN, PATAY

"CAVITE - Patay ang isang 3-taong gulang na batang babae makaraang masagasaan ng isang kotse nang hindi mapansin ng driver na naglalaro sa bandang unahan ng sasakyan kamakalawa ng gabi sa Harbour Homes, Brgy. Halang, bayan ng Naic, dito sa lalawigan. Hindi na naisalba pa ang buhay ng biktima na kinilala sa alyas na Len-Len, residente ng nasabing lugar. Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-6 ng gabi nang maganap ang insidente." ~ ulat mula sa Pilipino Star Ngayon, Marso 10, 2024, pahina 10

nahan ang magulang ng batang iyon?
na nasagasaan ng kotse roon?
wala? nagpabaya? kaya humantong?
na ang bata'y madaanan ng gulong!

tsuper na walang malay ang may kaso
ngunit ina'y anong ginawa rito?
nasa tsismisan o nasa lababo?
iiyak ang nagpabayang totoo?

gabi na iyon, ayon sa balita
ngunit di pa pinauwi ang bata
tsuper nama'y di kita sa bintana
ng kotse ang batang kaawa-awa

kung ako ang ama, di maitanggi
na pagsisisi'y sadyang nasa huli
pabaya ba't sa barkada nawili?
kaya aksidenteng ito'y nangyari?

- gregoriovbituinjr.
03.13.2024