Biyernes, Oktubre 31, 2008

Dyenosidyo ng mga Binhi

DYENOSIDYO NG MGA BINHI
(isang tula laban sa gentically-modified organism)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Ano bang nangyayari sa sandaigdigan
Bakit pati selula'y pinakialaman
Ginawa ba nila'y sagot sa kagutuman
O ito ba'y kagaguhan at kahangalan?

Bakit kailangang baguhin ang selula
Para bumilis daw ang paglago ng bunga
Nitong puno, halaman, hayop at iba pa
Upang matugunan daw ang gutom ng masa?

May nagsasabing sagot sa kalam ng tiyan
Ay retokehin na yaong pinagkukunan
Ng pagkain mula gubat at kabukiran
Nang di magkulang ang nasa hapag-kainan.

Ngunit wala naman itong kasiguruhan
Kung genes ng lamok ilalagay sa halaman
At wala na ring buto ang ibang dalandan
Kaya binhing pantanim ay mababawasan.

Ang paniniwala nila'y di ko mawari
Pagkat sila nga'y puno ng pagkukunwari
Kung sino raw ang may kontrol ng mga binhi
Ang sila raw ditong sa mundo'y maghahari.

At bayani raw silang dapat maturingan
Gawa daw nila'y sa ngalan ng kaunlaran
Binalewala na ang mga karapatan
Ng magsasakang bumubuhay sa lipunan

Kailangang bilhin na nitong magsasaka
Ang mga binhi sa kumpanyang nagbebenta
Pagtatanim ng binhi'y di na basta-basta
Pagkat binhi'y kontrolado na ng kumpanya.

Nangyayari'y dyenosidyo ng mga binhi
Na pakana nitong mga kumpanyang imbi
Binhi'y inuubos na nilang unti-unti
Sa lupang sakahan ng iba't ibang lahi.

Tanging alam kong nag-uudyok sa ganito
Ay dahil ang sistema pa'y kapitalismo
Kung paano tutubo ang tanging motibo
Ng kapitalistang tulad nitong Monsanto.

Kapag pinayagan nating magpatuloy pa
Ang pinaggagawa ng ganitong kumpanya
Tiyak na ang tao'y sa kanila sasamba
Pagkain at sistema'y kontrolado nila.

Tandaang tinurang prinsipyo nilang imbi
Na kung sino raw ang may kontrol nitong binhi
Ang sila raw ditong sa mundo'y maghahari
Nangyayari'y dyenosidyo ng mga binhi.

Halina't magpatuloy sa pakikibaka
Laban sa sistemang nagbunsod nitong dusa
Dyenosidyong ito'y dapat mapigilan pa
Tayo'y magkaisang baguhin ang sistema.

Serbisyo Publiko

SERBISYO PUBLIKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Tunay na serbisyo publiko
At di mga pinunong tuso
Ang inaasahan ng tao
Sa mga naluklok sa pwesto.
Mga pinunong "ibinoto"
Ay dapat lang magpakatao
At magserbisyo sa publiko.

Di Relyebo ng Liderato Lamang

DI RELYEBO NG LIDERATO LAMANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Hindi simpleng relyebo lamang
Ng lider ng pamahalaan
Itong nais ng taumbayan
Kundi pagbabago sa bayan.
Walang mahirap at mayaman
Ang dapat maganap sa bayan
Di relyebo ng lider lamang.

Administrasyon at Oposisyon

ADMINISTRASYON AT OPOSISYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Kakulay ng administrasyon
Ang elitistang oposisyon
Sariling interes ang layon
Buwis ng baya'y nilalamon.
Ang masa'y di dapat magumon
Sa elitistang oposisyong
Kauri ng administrasyon.

Pigilan ang mga Taksil sa Masa

PIGILAN ANG MGA TAKSIL SA MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Sinumang mga nagtataksil
Sa masa'y dapat lang mapigil
Pagkat gawain nilang sutil
Ang nagdudulot ng hilahil.
Sakaling tayo ma'y mabaril
Ay di rin tayo titigil
Na pigilan ang mga taksil.

Lasing Pa ang Lungsod

LASING PA ANG LUNGSOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Kagabi'y lasing pa ang lungsod
Lalamunan ko'y humahagod
Habang ako'y para bang tuod
At sa serbesa'y nakatanghod
Sa pagbarik ako'y nalunod
At sa harap mo'y nanikluhod
Kagabing lasing pa ang lungsod.

Ang Paborito Kong "My Way"

ANG PABORITO KONG "MY WAY"
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Nais kong "My Way" ang awitin
Na paborito kong kantahin
Serbesa'y bago ko tunggain
Doon sa barikang kaydilim.
Sa birador ay aking hiling
Na kung ako ma'y babarilin
Ay habang "My Way" ang awitin.

Ang Katalik Ko Sa Pagbarik

ANG KATALIK KO SA PAGBARIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

O, nais ko ngayong bumarik
Habang itong gabi'y tahimik
Tatlong serbesa'y aking hibik
Habang utak ko'y nasasabik
At gumagana ang panitik
Tula itong aking katalik
Habang ako na'y bumabarik.

Kaysarap ng Marka Demonyo

KAYSARAP NG MARKA DEMONYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang alak na Marka Demonyo
Ay sadyang kaysakit sa ulo
Ito yaong tinutungga ko
Pag ako nama'y problemado.
Pagsayad sa lalamunan ko
Ay gumuguhit agad ito
Kaysarap ng Marka Demonyo.

Huwag Pilitin Ang Birhen

HUWAG PILITIN ANG BIRHEN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Huwag mong pilitin ang birhen
Kung siya'y nais mong maangkin
Ligawan siya't haranahin
At siya'y iyong pasagutin
Huwag lang siyang gahasain
Pagkat maling siya'y pilitin
Birhen ay dapat igalang din.

Magkano Ka, Karapatan?

MAGKANO KA, KARAPATAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Bawat isa'y may karapatan
Na dapat nating ipaglaban
Tubig, pagkain, kalusugan
Pag-aral, trabaho, tahanan
Na maralita'y wala naman
Pagkat ito'y may kabayaran.
Magkano ka ba, karapatan?

Pasakalye sa Kaibigang Tapat

PASAKALYE SA KAIBIGANG TAPAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang tapat daw na kaibigan
Sa gipit mapapatunayan
Pagkat siya'y di nang-iiwan
Ito'y tanda ng katapatan.
Kung sa oras ng kagipitan
Ikaw ay kanyang tinakbuhan
Siya nga'y di mo kaibigan.

Nahuhuli sa Bunganga

NAHUHULI SA BUNGANGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Kalimitan sa mga isda
Ay nahuhuli sa bunganga
Kung paanong ang dalahira
Ay nahuhuli sa salita.
Kung kailangan mo'y balita
Ay agad mong sipating sadya
Ay yaong sa isda'y bunganga.

Huwag Umihi sa Pader

HUWAG UMIHI SA PADER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Sa pader ay huwag umihi
Pagkat gilid nito'y papanghi
Di maganda ito sa lahi
Pagkat pangit itong ugali.
Bansa nati'y di mapupuri
Kung bawat pader ay mapanghi
Pagkat sa gilid umiihi.

Pinunong Asal-Uwak

PINUNONG ASAL-UWAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Sa daigdig ng mga uwak
Pangungurakot ay talamak
Pagagapangin ka sa lusak
Ng lider na wala raw utak.
Sa bayang kaydami ng latak
Katiwalia'y lumalawak
Dahil pinuno'y asal-uwak.

Malasa ang mga Salawikain

MALASA ANG MGA SALAWIKAIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Yaong mga salawikain
Ay sadyang kaysarap isipin
Ito'y malasa kung namnamin
Nitong kaibuturan natin.
Kaygaling na ito'y alamin
Pagkat isipa'y hahasain
Nitong mga salawikain.