Lunes, Agosto 19, 2019

Kubeta'y tiyaking malinis tulad ng kunsensya

KUBETA'Y TIYAKING MALINIS TULAD NG KUNSENSYA

alam na nila kung saan ako hahagilapin
pag ako'y nagtago, sa kubeta ako darakpin
habang libog na libog sa pinapantasyang birhen
habang nagtitikol, at tae'y lalambi-lambitin

ang kubeta ko sa barung-barong ay pahingahan
madalas, doon sinasalsal ang nasa isipin
doon ko rin nakakatha ang mga kasawian
mga hirap ko't danas, pati kritik sa lipunan

kubeta'y santuwaryo ko upang makapag-isip
doon tinatahi ang dinikta ng panaginip
minsan, sa kubeta, may pag-asa kang masisilip
may inspirasyong sa diwa mo'y kaysarap malirip

kubeta'y tiyaking malinis tulad ng kunsensya
nang maging payapa ang diwa't wasto ang pasiya
upang susunod na gagamit ay mahahalina
aalis sila roong may ginhawang nadarama

- gregbituinjr.

Ang kubeta ang aking santuwaryo

ANG KUBETA ANG AKING SANTUWARYO

ang kubeta ang aking santuwaryo, o kanlungan
mula sa karahasan ng buhay, silid-nilayan
kanlungan, aking taguan, siya ring pahingahan
doon ko rin kinakatha ang laman ng isipan

anong sarap pag kubeta ang iyong santuwaryo
doon ay para kang batang hubo't hubad sa mundo
anumang iyong gawin, ramdam mong normal kang tao
naliligo, tumatae, nagbabate ka rito

nagugustuhan ko nang santuwaryo ang kubeta
at sa paglabas mo, pulos dahas ang makikita
para bagang buhay ng isang tao'y barya-barya
parang tsuper, natatae'y busina ng busina

sa loob ng kubeta'y payapa ang puso't isip
pagiging totoong tao ba'y isang panaginip?
huwag lang may kumatok, akala ikaw'y umidlip
sunod na gagamit, may pangarap ding halukipkip

- gregbituinjr.