Martes, Oktubre 2, 2018

Ayoko ng cake sa kaarawan ko

AYOKO NG CAKE SA KAARAWAN KO

walang cake sa kaarawan ko, sabi ko kay misis
sapat na ang adobo't kanin, walang minatamis

o kaya'y anim na barbekyu't dalawang serbesa
tulad ng hiling ko pag ako'y pinatula nila

kaymahal ng cake upang gawin lang na panghimagas
kaysa mag-cake, aba'y ipambili na lang ng bigas

ang cake na presyo'y apatnaraan limampung piso
ay katumbas ng presyo ng bigas na sampung kilo

bukod pa roon, nakangingilo ang tamis ng cake
hayaang ako'y magdiwang na mag-isang babarik

- gregbituinjr.

Sa mga pinaslang sa Tlatelolco, Mexico

SA MGA PINASLANG SA TLATELOLCO, MEXICO
(OKTUBRE 2, 1968)

sa Tlatelolco'y kayraming estudyanteng pinaslang
naganap kasabay ng araw nang ako'y isilang
ang kanilang mga berdugo'y tila mga buwang
karahasan ang ibinigay, sila'y tinimbuwang

estudyanteng nais malayang makapagsalita
hangad na bilanggong pulitikal ay mapalaya
hangad na mga tiwaling opisyal ay mawala
hangad na matinong lipunan ang sinasagawa

estudyanteng nais magkaroon ng karapatan
estudyanteng nais isatinig ang kahilingan
estudyanteng nais magkaroon ng kalayaan
estudyanteng nais matanggal ang katiwalian

subalit sila pa yaong dinilig ng kilabot
pinagbabaril, lupa'y pumula, isang bangungot
limampung taon na yaong nakaraang hilakbot
hanggang ngayon ay dama pa rin ang lagim na dulot

pagkat estudyante'y di pa nabigyan ng hustisya
walang nakulong dahil sa nangyari sa kanila
hanggang ngayon, katarungan ang sigaw ng pamilya
hustisyang kay-ilap ba'y kailan kakamtin nila

- gregbituinjr. 10/02/2018

Hindi sapat

sa pag-aasawa'y aking nawatas
hindi sapat ang pag-ibig na wagas
kung wala namang pambili ng bigas

sa pag-aasawa'y aking nakuro
hindi sapat ang laging nakasuso
dapat kumayod, magbanat ng buto

sa pag-aasawa'y aking naarok
hindi sapat ang ari'y nakatusok
kung sa pitaka'y walang nakasuksok

sa yugtong ito'y aking naunawa
hindi laging kay misis nakadapa
dapat magbenta ng lakas-paggawa

sa pagpapamilya'y aking natalos
sandata'y hindi laging nakaulos
kung pamilya'y gutom, walang pantustos

sa pagpapamilya'y aking nabatid
hindi sapat ang pagsintang masugid
kung kay misis ay walang sweldong hatid

- gregbituinjr., 10/02/18