Miyerkules, Enero 29, 2025

8-anyos, pinakabatang nabuntis

8-ANYOS, PINAKABATANG NABUNTIS

nakababahala / ang gayong balita
pagkat nabasa ko'y / kay-agang nabuntis
edad walong anyos / ang pinakabata
kay-agang naglandi? / di na nakatiis?

sa edad lang niya, / siya'y walang muwang
kaybata pa't siya'y / pinag-interesan?
ayon pa sa ulat, / siya na'y nagsilang
bata ba'y mahirap? / at pambayad utang?

di na iyan kaso / ng teenage pregnancy
bata ang nabuntis, / paano naganap?
nakababahala / iyang child pregnancy
nangyari bang ganyan / sa bansa'y laganap?

may nagawa kayang / batas hinggil dito?
upang magabayan / ang mga bata pa
kung may edukasyon / magtuturo'y sino?
ang gurong di danas / makapag-asawa?

mga kasong ganyan / ay masalimuot
ang bata bang iyon / ay isang biktima?
marami pang tanong / ang dapat masagot
upang child pregnancy / ay mapigilan pa

- gregoriovbituinjr.
01.29.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Enero 29, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2; pahayagang Abante, Enero 29, 2025, pahina 2

Timawa

TIMAWA

Dalawampu't apat Pahalang: Patay-gutom
aba'y TIMAWA yaong lumabas na tugon
ngunit ang timawa sa ating kasaysayan
ay yaong lumaya na sa kaalipinan

panggitnang uri sa uripon at tumao
mandirigma sa lipunang piyudalismo
iyan ang timawa sa historya ng bansa
ngunit ngayon, timawa ang mga kawawa

bakit nangyaring salita'y nagbagong anyo
kaningningan ng salita'y biglang naglaho
ang mga timawa'y malayang tao dati
ngayon, salitang ito'y nawalan ng silbi

timawa'y nagugutom na't namamalimos
ang malayang mandirigma'y naghihikahos
uring kabalyero'y nawalan na ng dangal
malaya nga subalit parang nasa kural

- gregoriovbituinjr.
01.29.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, Enero 29, 2025, p.8
* uripon - alipin; tumao - maharlika

Wakasan ang dinastiya

WAKASAN ANG DINASTIYA

karaniwang kasabihang alam sa pamilya:
"The family that prays together, stays together!"
ngayon, may kasabihan hinggil sa dinastiya:
ang "The family that runs together, robs together!"

paalala mula sa Barangay Mambubulgar
hinggil sa pamilyang tumatakbo sa halalan
wakasan na ang dinastiyang nakakaasar
kung sila na naman ang mananalo sa bayan

iisang pamilya, tumatakbong sabay-sabay 
ang ama ay gobernador, ang ina ay mayor
anak pa'y kongresista, di ka ba nauumay
may tatlo pang nais sabay-sabay magsenador

pare-parehong apelyido, iisang mukha
serbisyong publiko na'y pampamilyang negosyo
pinalakas ang ayuda para sa dalita
upang mahamig lang ang boto ng mga ito

dapat wakasan ang dinastiya't elitista
sapagkat di lang kanila ang kinabukasan
manggagawa naman, at di na trapong pamilya
itayo na natin ang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
01.29.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, 01.28.2025, p.5