BULAKLAK NG MAYO
ni Greg Bituin Jr.
(siyam na pantig bawat taludtod)
pag may bulaklak na nasamyo
agad tayong napapalinga
dagling hanap ang pinagmulan
ng samyong humahalimuyak
hanap ng dalaga’y pag-ibig
hanap ko nama’y kabaong
nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8.
Miyerkules, Mayo 7, 2008
Soneto sa Isang Sapilitang Nawala
SONETO SA ISANG SAPILITANG NAWALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Ay di na magiging magkakilala pa
Ngunit sa balita’y nakilala kita
Nang ikaw’y dinukot ng mga de-baril.
Tinangay kang pilit ng mga marahas
Kung anong dahilan ay di namin alam
Ang tingin ko sila’y walang pakiramdam
At de-susing robot, mga talipandas.
Bakit kailangang meron pang mawala?
Bakit tulad mo’y sapilitang kinuha?
Iyan ba’ng esensya nitong demokrasya?
Bakit kailangang maraming lumuha?
Makamtan mo nawa yaong katarungan
Nang sakit sa dibdib ni ina’y maibsan.
Bakit May Iskwater?
BAKIT MAY ISKWATER?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Bakit ka iskwater sa sariling bayan
Gayong ikaw nama’y dito isinilang?
Bakit ba wala kang sariling tahanan
At sa barung-barong nakatira lamang?
Bakit ba iskwater ay dinedemolis
Ng mga demonyong nagngingising-aso?
Bakit sila’y pilit na pinapaalis
Kahit na ng mga nasasa gobyerno?
Bakit dayo itong may sariling lupa
Dahil ba sila’y may pambiling salapi?
Bakit sila’ng hari sa bayang kawawa
Dahil may pribado silang pag-aari?
Sadya bang mahirap ang maging iskwater?
Pagkat di tantanan ng mga Lucifer?
Sampaloc, Maynila
Mayo 7, 2008
Soneto sa Iskwater
SONETO SA ISKWATER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Bakit daw may iskwater sa sariling lupain?
Itong tanong sa akin ng kaibigang turing.
Akin itong sinagot ng may mga pasaring:
Bakit mga banyaga’y naghahari sa atin?
May iskwater sa bayan dahil sa kahirapan
Umalis sila doon sa lupang sinilangan
Upang dito sa lunsod makipagsapalaran
Nagbabakasakaling gutom nila’y maibsan.
Sa lunsod na makinang, marami ang napadpad
Dahil ito’y lupa raw ng tunay na pag-unlad
Sila’y nabigo pagkat bawat kilos, may bayad
Kaya dahil sa hirap, di pa rin makausad.
Dapat nating baguhin ang kalagayang ito
Pagbabago’y pamana sa bayan nati’t apo.
Sampaloc, Maynila
Mayo 7, 2008
Dugo sa Kanilang Kamay
DUGO SA KANILANG KAMAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Mas mabuti pang matulad
sa nangyari kay Archimedes
na isang matematisyang Griyego
kaysa tulad ng nangyari kina
Julius Caesar na isang Romano
at Andres Bonifacio na isang Pilipino.
Si Archimedes ang nagdisenyo
ng mga armas-pandigmang
sa nasyon nila’y nagdepensa
ngunit sa likod siya ay sinaksak
ng isang sundalong kaaway
ng kanilang nasyon habang
siya’y abalang nag-aanalisa
at gumagawa ng pormula
sa matematika.
Sa salaysay naman ni Plutarch,
si Julius Caesar ay magiging
emperador sana ng Roma
kundi pataksil na pinaslang
ng mga kababayang pinangunahan
ng respetadong si Brutus
sa pintuan ng kanilang Senado.
Gayundin naman, si Andres Bonifacio
ay pinaslang ng mga kapanalig
sa kilusan ayon sa sentensya
ni Emilio Aguinaldo at walang awang
binaril ng kawal na kaapelyido
ng isang naging pangulo ng bansa
na si Major Lazaro Macapagal.
Si Archimedes at si Julius Caesar
ay pinaslang gamit ang espada
habang si Andres Bonifacio
kasama ang isang kapatid
ay binistay ng bala.
Kung darating sa akin ang bihirang
pagkakataong mapaslang tulad ng
mga kilalang taong ito sa kasaysayan
hinihiling kong sana’y sa kamay
ng mga kaaway ako ay mautas
tulad ng nangyari kay Archimedes
di tulad ng pagkalugmok nina
Julius Caesar at Andres Bonifacio
sa kamay ng mga Hudas.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)