Lunes, Marso 10, 2025

Hustisya sa mga pinaslang na OFW

HUSTISYA SA MGA PINASLANG NA OFW

Joanna Demafelis
Constancia Lago Dayag
Jeanelyn Villavende
Jullebee Ranara
Jenny Alvarado
Dafnie Nacalaban

ilan lang sila sa mga pinaslang
na Pinay doon sa bansang Kuwait
gumawa'y tiyak na bituka'y halang
ginawang iyon ay napakalupit

bansa'y nilisan, nagbakasakali
na naiwang pamilya'y matustusan
subalit ang buhay nila'y pinuti
sa ibang bansang pinagtrabahuhan

ang panawagan natin ay hustisya
pangalan nila'y huwag kalimutan
dapat katarungan ay kamtin nila
at mga pumaslang ay parusahan

- gregoriovbituinjr.
03.10.2025

* ang sanligan o background ay mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 9, 2025, p. 11

Anak ni Pacman, muling lalaban

ANAK NI PACMAN, MULING LALABAN

katukayo pala ni Pacman ang boxer na anak
na nagngangalang Emmanuel Joseph "Eman" Bacosa
na muling lalaban sa Blow-by-Blow, nakagagalak
may anak siyang boksingerong palaban talaga

si Eman, dalawampu't isang anyos, taga-GenSan
sa dibisyong lightweight ay kakasa sa taga-Congo
sa rekord nga'y mayroon lang siyang anim na laban
una'y draw, at apat ay knockout sa limang panalo

matangkad pa kaysa ama, na taas ay five-foot-ten
si Pacman ang kanyang inspirasyon at motibasyon
tulad din ng ama, ang kanyang kamao'y bigatin
na talagang paluluhurin ang kalaban doon

apelyido'y iba man, anak sa ibang babae
ni Pacman, sa karakas ay mana sa kanyang tatay
isang boksingerong dapat pa ring ipagmalaki
kaya kay Eman Bacosa, mabuhay ka! mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
03.10.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Marso 10, 2025

Kamatis at tuyo, na naman

KAMATIS AT TUYO, NA NAMAN

kamatis at tuyo ang ulam sa agahan
sa tanghali, kamatis at tuyo na naman
ang inuulam ay kung anong naririyan
wala nang pili, mahalaga'y mabusog lang

simpleng pagkain, puspusang pakikibaka
simpleng pamumuhay ng isang aktibista
kinakain ay tulad sa dyip, gasolina
ng katawan upang makakilos sa masa

pagkatapos magtipa ng mga sulatin
pagkatapos ng gawaing bahay, kakain
muling mag-oorganisa, at hahanapin
ang mga isyung dapat ipaglaban natin

paminsan-minsan lang ang tuyo at kamatis
bukas, sa bawang at sibuyas magtitiis
mahalaga'y malusog pa tayong aalis
at matatag kahit katawan ay manipis

- gregoriovbituinjr.
03.10.2025

Pagtuligsa sa pagpaslang sa pusa

PAGTULIGSA SA PAGPASLANG SA PUSA

nabasa ko lang sa pahayagang Remate
na may pinatay palang pusa sa Makati
suspek pala rito'y dayuhan, isang Intsik
na ugaling pinakita'y sadyang mabagsik

kaytagal ko na ring animal rights activist
bukod sa pagiging political activist
sa opisina, may asong inalagaan
sa bahay, alaga ko'y mga pusa naman

baka kaya suspek ay may mental health problem
kaya nakagawa ng karima-rimarim
bakit pinagmalupitan niya ang pusa?
pinagtripan? nakursunadahan bang sadya?

dapat kahit sa hayop maging makatao
'Be kind to animals!' panawagang totoo

- gregoriovbituinjr.
03.10.3035

* ulat mula sa pahayagang Remate, Marso 8, 2025, p.8