Martes, Hulyo 30, 2024

Tara munang magkape

TARA MUNANG MAGKAPE

tara munang magkape
dito sa bahay, pare
at magkwentuhan dine
bago lalong gumabi

kumusta ang trabaho
tumaas ba ang sweldo
o amo mo ang paldo
habang nganga kang todo

pag ako'y nag-iisa
pakape-kape muna
aklat ay binabasa
kung di tula, nobela

pahinga lang sandali
nang pagod ay mapawi
sarap ng kape't ngiti
mababakas sa labi

- gregoriovbituinjr.
07.30.2024

Pagpupugay sa atletang Pinoy sa Paris Olympics

PAGPUPUGAY SA ATLETANG PINOY SA PARIS OLYMPICS

dalawampu't dalawang Pinoy na atleta
ngayon ay kalahok sa Olympics sa Paris
lumalaban sa labing-isang kategorya
nakikipagpaligsahan at kumikiskis

halina't atletang Pinoy ay suportahan
at asam na medalya'y kanilang matamo
iuukit nila ang kanilang pangalan
sa historya ng bansa't Olympics na ito

pagbutihin ang laro nang medalya'y kamtin
lalo't ito ang pangarap at inaasam
atletang Pilipino'y suportahan natin
at tunghayan ang kanilang mga pangalan:

Carlos Yulo, Gymnastics 
Emma Malabuyo, Gymnastics 
Aleah Finnegan, Gymnastics 
Levi Jung-Ruivivar, Gymnastics 

Eumir Marcial, Boxing 
Hergie Bacyadan, Boxing 
Nesthy Petecio, Boxing 
Aira Villegas, Boxing

Carlo Paalam, Boxing 
EJ Obiena, Athletics - Pole Vault  
Lauren Hoffman, Athletics - Women's 400m Hurdles 
John Cabang Tolentino, Athletics - 110m Hurdles  

Bianca Pagdanganan, Golf 
Dottie Ardina, Golf 
Samantha Catantan, Fencing 
Kiyomi Watanabe, Judo

Jarod Hatch, Swimming 
Kayla Noelle Sanchez, Swimming 
Joanie Delgaco, Rowing 
Elreen Ando, Weightlifting 

John Ceniza, Weightlifting 
Vanessa Sarno, Weightlifting 
halina't suportahan ang atleta natin
na nagsusumikap upang medalya'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
07.30.2024

* litratong kuha mula sa Ali Mall, Cubao
* nagsimula ang Paris Olympics ng Hulyo 26, 2024 

Soneto sa pananghalian

SONETO SA PANANGHALIAN

sa pagnilay sa paksang nanamnam
biglang aabalahin ng gutom
tiyan ko na pala'y kumakalam
nalalanghap ko na'y alimuom
kaya ako'y agad na nagsaing
naabalang muli yaring isip
ayos lang basta huwag gutumin
babalikan na lang ang nalirip
salamat, kanin ay nainin na
buti'y may natirang isdang prito
kaibigan, kumain ka na ba?
tara rito't saluhan mo ako
sa aking munting pananghalian
nang muling lumakas ang katawan

- gregoriovbituinjr.
07.30.2024

Tugon kay kamakatang Glen Sales

TUGON KAY KAMAKATANG GLEN SALES

tulad ko ang kapalaran ng makatang Glen Sales
himutok niya'y danas ko't di sa akin maalis
maraming rejection, walang award, walang fellowship
walang like, ngunit di tumitigil sa pag-iisip

upang may maitula at patuloy na kumatha
aniya'y di nawawalan ng gana sa paglikha
tulad niya, pinangatawanan ko ring mag-akda
lalo na't may samutsaring isyu, balita't paksa

tulad niya, wala mang pagkilala sa pagsulat
dahil di naman layunin ng pagkatha'y pagsikat
mahalaga'y masaya ka sa bawat madalumat
na iyong iuukit sa salitang mapagmulat

ang kaibhan lang namin, siya'y guro, ako'y tibak
siya'y guro nang bata'y matuto't di mapahamak
ako'y laman ng kalsada't gumagapang sa lusak
na kasangga ng maralita, api't hinahamak

kaya para sa akin, pagtula'y isang tungkulin
upang maisulong ang pangarap at simulain
marahil pag patay na ako'y may magbabasa rin
na sa panahon palang ito'y may makata pa rin

at sa iyo, kamakatang Glen Sales, pagpupugay
ayos lang magpatuloy kung ikasisiyang tunay
ang pagkatha, kung iyon ang ating pakay sa buhay
muli, ako'y nagpupugay, mabuhay ka! MABUHAY!

- gregoriovbituinjr.
07.30.2024

* litrato ay screenshot mula sa selpon ng makatang gala

Yanga at saplad

YANGA AT SAPLAD

napakaliit na bagay lang ito sa marami
subalit para sa akin ito'y sadyang malaki
di madali ang itaguyod ang wikang sarili
upang pagbuhusan ko ng panahong sinasabi

tulad na lang sa nasagutan kong palaisipan
ang PASO pala ay YANGA, ang SAPLAD naman ay DAM
salita bang lalawiganin o may kalaliman
kahit sa munti mang tula'y maging tulay sa bayan

bakit ba pinag-aaksayahan ko ng panahon
ang ganitong salitang animo'y sagradong misyon
sa gawaing ito ba sa hirap makakaahon?
o gawain ng makata'y sa ganyan nakakahon?

tungkulin ng makatang tulad ko ang itaguyod
ang mga ganitong salitang nakita sa krosword
tungkuling pinagsisikapan at kayod ng kayod
at pinagtitiyagaan wala man ditong sahod

marahil, sadyang ganito ang buhay ng makata
hinahawi ang alapaap ng mga kataga
nakikipagbuno sa alon ng mga salita
hagilap ang ginto sa gitna ng putik at sigwa

- gregoriovbituinjr.
07.30.2024

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 29, 2024, pahina 10
* 17 Pababa - Saplad - DAM
* 20 Pababa - Paso - YANGA