Huwebes, Pebrero 2, 2017

Sa sinisinta kong sangre


SA SINISINTA KONG SANGRE

inaabangan kang lagi sa aking panaginip
upang sambahin ka, Danaya, ng puso ko't isip
kung bakit ikaw ang inibig ay di ko malirip
ngunit ligaya kita't puso'y ikaw ang nahagip

hanga ako sa iyong galing sa pakikidigma
sa arnis, kalaban ay tiyak kakain ng lupa
sadyang kaytamis ng ngiti mo, magandang diwata
habang tunay akong naakit sa iyong pagtudla

pagkat sa pagtudla mo puso ko ang tinamaan
habang iwing ganda mo'y ano't di ko maiwasan
magkaiba man tayo ng mundong kinalalagyan
hangad kong makaisang-dibdib ka, diwatang hirang

ilang bundok ma'y tatawirin ko, Sangre Danaya
dagat man ay lalanguyin ko, makita lang kita
iwing buhay ko man ay tigib ng siphayo't dusa
gagawin ang lahat pagkat ikaw ang aking musa

- gregbituinjr.