ano mang lalim ng balon
tiyak ding makaaahon
pito'y hindi malululon
ng taginting ng kahapon
anong tayog ng kawayan
ay yumuyuko rin naman
tulad ng hari't sakristan
lalo't unos ang dumaan
puso ng ama'y pipintig
sa pakakaining bibig
pagkat buo ang pag-ibig
masipag, nagsisigasig
ibon ng kapayapaan
naligalig ang tahanan
umalpas sa kalawakan
lumipad na't may digmaan
bangkay sa gilid ng kanal
walang anumang balabal
iyon kaya'y ibinuwal
ng katarungang di banal
budhi rin ay nanunumbat
pag sa kapwa'y di matapat
ang gulok mang anong bigat
may kaluban ding katapat
- gregbituinjr.