Linggo, Enero 16, 2022

Sigwa

SIGWA

di ako lumaki sa isang probinsyang may ilog
kundi sa binabahang lungsod, baka ka lumubog
ilang beses akong sa baha lumusong, nahulog
noong nasa Sampaloc pa buhay ko'y umiinog

kaya pag napapauwi sa probinsya ni ama
ay magpapasama sa ilog at maliligo na
sasakay pa ng kalabaw, tatawid ng sabana
ganoon ang kabataan kong sadyang anong saya

noong maghayskul ay dumadaan sa tabing ilog
nagkolehiyo sa paaralan sa tabing ilog
noong magtrabaho'y nangupahan sa tabing ilog
tila baga buhay ko noon ay sa tabing ilog

wala na sa tabing ilog nang ako na'y tumanda
subalit nakaharap naman ang maraming sigwa
tulad noong kabataan kong laging nagbabaha
sa danas na iyon, natuto akong maging handa

inunawa ang panahon, ang klimang nagbabago
at sa kampanyang Climate Justice ay sumama ako
nagbabakasakaling makatulong naman dito
sa pagpapaunawa sa kalagayan ng mundo

- gregoriovbituinjr.
01.16.2022

Pula't dilaw

PULA'T DILAW

pinagninilayan ko pa rin
ang mga palad nating angkin
paano kaya tutukuyin
sinong mga lumalambitin

sa baging ng mga haragan
kasama ang trapo't gahaman
anang awit, pula't dilaw man
ay di tunay na magkalaban

pangmayaman daw ang hustisya
na nabibili ng sampera
kung ganyang bulok ang sistema
aba'y kawawa nga ang masa

kung sistemang bulok ang gawa
nitong mga trapong kuhila
wala na ba tayong kawala
sa pagsasamantalang sadya

pula't dilaw ba pag naupo
kabulukan ba'y maglalaho
magtutulong ba pag nagtagpo
o sa malaon ay guguho

sistema pa rin ay baguhin
ito pa rin ang pangarapin
ang masa'y ating pakilusin
tungo sa bayang asam natin

- gregoriovbituinjr.
01.16.2022

Paggising

PAGGISING

nagising akong anong lamig
at sa ginaw nangangaligkig
kaya kinulong ko sa bisig
ang mutyang katabi sa banig
kay-ingay ng mga kuliglig

tila napanaginipan ko
ang bangis ng Berkakan dito
pati Oriol at ang Onglo
anong bagsik din ng Tamawo
gayunman, nakahanda ako

ah, mabuti't nagsidatingan
ang bayaning sina Kenaban
Agyu, Aliguyon, Kudaman
ang diwatang si Aninggahan
at labanan ay napigilan

hanggang tuluyan nang magising
mula sa mahabang paghimbing
kaya iaakda'y magiting
taludtod at saknong kong sining
lalo't wala sa toreng garing

- gregoriovbituinjr.
01.16.2022

* mga nabanggit na halimaw at bayani ay mula sa mitolohiyang Filipino at nalathala sa aklat na "Mga Nilalang na Kagila-gilalas" ni Edgar Calabia Samar