Lunes, Oktubre 11, 2021

Kinagigiliwang awit

KINAGIGILIWANG AWIT

bumabalik ako sa kinagigiliwang awit
pag nakikita ko ang nangyayari sa paligid
pag nakakaramdam ng di inaasahang sakit
pag tila may mga luhang sa mata'y nangingilid

kinagigiliwang awit nga'y binabalikan ko
lalo na't buong lungsod ay lumubog sa delubyo
lalo na't lumutang sa basura ang bayang ito
lumubog ang mga bahay, ang nasalanta'y libo

tinuring na pambansang awit sa kapaligiran
inawit ng bandang ASIN para sa kalikasan
makabagbag-damdamin para sa kinabukasan
paalala sa ating paligid ay alagaan

saksi ako sa Ondoy nang ito nga'y nanalasa
sumama sa Tacloban nang Yolanda'y nanalanta
at sa Climate Walk tungong Tacloban galing Luneta
awit ng ASIN nga'y inspirasyon at paalala 

kaya ngayong nananalasa ang bagyong si Maring
muli nating alalahanin ang awit ng ASIN
"Masdan mo ang kapaligiran," anong dapat gawin
ang mga tao sa Providence sana'y ligtas na rin

- gregoriovbituinjr.
10.11.2021

litrato mula sa google

Labor Power sa 2022

LABOR POWER SA 2022

kung sawang-sawa ka na sa political dynasties
na laging naluluklok habang masa'y nagtitiis
sa hirap at pagsasamantala ng mga burgis
may pag-asa pa, sa MANGGAGAWA tayo'y magbigkis

kung sawang-sawa ka nang mamayagpag muli'y trapo
naluluklok ay pamilyang iisang apelyido
anong napala sa tradisyunal na pulitiko?
nganga ang bayan, nais ba nating laging ganito?

laging elitista't mayayaman ang naluluklok
pati artistang sumayaw lang, nalagay sa tuktok
tingin nila sa masa'y tagaboto't tagaluklok
dapat nang mapatid ang ganitong sistemang bulok

panahon nang ikampanya natin ang manggagawa
at iluklok natin ang kandidato ng paggawa
silang dahilan upang umunlad ang mga bansa
walang pag-unlad sa buong mundo kung sila'y wala

kung walang manggagawa, walang tulay at lansangan
sa Makati ay walang gusaling nagtataasan 
walang gusali ang Kongreso, Senado, Simbahan
walang nakatayong White House, Kremlin o Malakanyang

nilikha ng manggagawa ang mga ekonomya
umikot ang dolyar, ang piso, ang maraming kwarta
sila ang gumagawa kaya bansa'y kumikita
manggagawa ang nagpapaikot ng mundo, di ba?

kaya panahon namang manggagawa ang iluklok
at ang mga political dynasties ay ilugmok
lider-manggagawa ang ating ilagay sa tuktok
upang tuluyang mapalitan ang sistemang bulok

isang sistemang nagdulot ng pagsasamantala
ng tao sa tao kaya maraming aping masa
panahong nang ilugmok ang elitista't burgesya
na nagpanatili lang ng dusa't hirap sa masa

si Ka Leody de Guzman ang ating kandidato
sa susunod na halalan, tumatakbong pangulo
batikang labor leader, mapangahas, matalino
kasangga ng manggagawa't ng karaniwang tao

si Atty. Luke Espiritu sa senado naman
na maraming unyon ang pinanalo't tinulungan
silang dalawa ang kandidatong maaasahan
sigaw ng manggagawa'y dinggin: MANGGAGAWA NAMAN!

- gregoriovbituinjr.
10.11.2021

Ayon kay Pythagoras

AYON KAY PYTHAGORAS

isang paham sa kasaysayan ang sadyang lumabas
na sa karunungang pinakita'y talagang pantas
matematisyan o sipnayanon si Pythagoras
na kung suriin ang kanyang aral ay mawawatas

naging sikat dahil sa Pythagorean theorem
sa tatsulok, tatlong gilid ay sukating taimtim;
marami rin siyang winikang kung ating maatim
ay magsisilbing gabay kahit na ito'y malalim

si Pythagoras ay Griyegong nagmula sa Samos
na nagpayo sa ating huwag magpadalos-dalos;
kung galit ka'y huwag basta magsalita't kumilos
kung wala sa wastong isip ay manakit ngang lubos

pag batas daw ay kailangan na ng mamamayan
ay saklaw na nito't di na akma sa kalayaan;
sa anupamang bagay, sarili'y dapat igalang
walang malaya na sarili'y di kayang rendahan

may dyometriya sa pagtipa ng lira't gitara
at sa agwat ng mga espero ay may musika;
mabuting tahimik kaysa salitang walang kwenta
na sa kapwa'y magdulot lang ng ligalig o dusa

mas pinag-iisipan natin anong ipapakli
sa salitang pinakaluma't pinakamaiksi
na madalas itugon sa tanong: Oo o Hindi
pinag-iisipan nang di tayo nagmamadali

mga kaibigan ay kasama sa paglalakbay
na makatutulong sa atin sa ligaya't lumbay;
kahinahunan ay batay sa isipang matibay
upang diyalektiko tayong magsuri't magnilay

ilan lamang iyan sa mga aral na binigkas
ng sikat na sipnayanon, ngalan ay Pythagoras
ating pag-aralan ang mga sinabi ng pantas
baka magamit natin tungo sa magandang bukas

- gregoriovbituinjr.
10.11.2021

litrato mula sa google

Soneto sa unos

SONETO SA UNOS

kaylakas ng unos, kalampagan ang mga yero
animo'y masisira ang bahay sa hangin nito
ito na yata si Maring, na pangalan ng bagyo

matapos magluto't kumain, tunganga na naman
mabuti't may kwadernong sulatan ng karanasan
upang kathain bawat malirip na karaniwan

pupunta sanang ospital, ngunit di makalabas
dahil sa bagyong sadyang madarama mo ang lakas
magpa-laboratoryo sana, bukas na lang, bukas

palipasin muna ang pananalasa ni Maring
sana'y makatulong din siyang variant ay pawiin
at tangayin sa dagat ng malakas niyang hangin

lumitaw sa aking balintataw ang bahaghari
habang pasasalamat ang sa labi'y namutawi

- gregoriovbituinjr.
10.11.2021

* mula sa karaniwang sonetong may taludturang 4-4-4-2 tulad ng Shakespearean at Petrarchian sonnet, ang nilikha ko'y may taludturang 3-3-3-3-2
* ang soneto ay tulang may labing-apat (14) na taludtod