Biyernes, Nobyembre 28, 2025

Wala sa impyerno ang demonyo, ayon kay Shakespeare

WALA SA IMPYERNO ANG DEMONYO, AYON KAY SHAKESPEARE

"Hell is empty and all the devils are here." - William Shakespeare , The Tempest

wala naman daw demonyo sa impyerno
ani Shakespeare, na isang makatang henyo
nasa mundo na raw lahat ng diyablo
tulad ng mga kurakot sa gobyerno

nakaluluha nga ang katotohanang
sinabi ng makatâ, kaya ang bayan
ay galit na galit sa nangyaring iyan
tuligsa'y mga sangkot na lingkod bayan

anong dami ng kontraktor na demonyo
na nagkalat din sa Kongreso't Senado
akala mo'y flood control ay nagmumulto
iyon pala'y ghost pagkat walang proyekto

O, Shakespeare, anong sakit mong magsalitâ
ng katotohanan, tunay kang dakilâ
habang itong bansa'y nagdurusang lubhâ
dahil dinemonyo ng trapong kuhilà

- gregoriovbituinjr.
11.28.2025

* larawan mula sa google

Pag Biyernes, ikalima ng hapon sa Edsa Shrine

PAG BIYERNES, IKALIMA NG HAPON SA EDSA SHRINE

ilang Biyernes ng gabi na bang ako'y tumulâ 
sa Edsa Shrine na ang kasama'y ilang kabataan 
alas-singko ng hapon ay hinahabol kong sadyâ 
maikling programa, bago alas-sais tapos na

isa itong commitment para sa literatura
katapatan sa panitik nitong abang makatâ
katapatan sa pakikibaka laban sa mga
kurakot, buwaya, buwitre, at tusong kuhilà

binigyan ako ng pambihirang pagkakataon
ng kasaysayan upang tumulâ para sa nasyon
basta makatulâ lang, kahit butas ng karayom
ay papasukin, titiyaking makatulâ roon

ganyan lang kapayak ang buhay ng abang makatâ
anumang larangan, isyu't paksâ, handang tumulâ
bawat Biyernes ng hapon, tiyak manunuligsa
ng mga kurakot, araw-gabi mang naglulupâ

- gregoriovbituinjr.
11.28.2025

Pagdalaw sa puntod ni Ka Pabs

PAGDALAW SA PUNTOD NI KA PABS

naimbitahan akong sumama't dumalaw
sa sementeryo, pagyayang di tinanggihan
tula'y agad nilikha sa kainitan ng araw
dinalaw si Ka Pabs, magiting at palaban

isa siyang kasama, kapwa ex-detainee
dinalaw namin ang kanyang puntod sa Tanay
biglaan, namatay sa Home for the Elderly
wala raw kumuhang kamag-anak sa bangkay

batikang aktibista, isang mandirigmâ
nakibaka sa panahon ng diktadura
siya pala'y may kanser na tila lumalâ
wala rin daw kamag-anak siyang kasama

ilang beses din kaming nagkita sa pulong
ng Ex-Political Detainees Initiative
na samahan ng mga dati nang nakulong
dahil nakibaka't ang prinsipyo'y dinibdib

nag-asikaso't tumulong sa kanya'y Balay
na minsan na ring kumupkop sa tulad namin
sa'yo, Ka Pabs, taaskamaong pagpupugay
kaisa ka sa marangal na adhikain

- gregoriovbituinjr.
11.28.2025

* Balay - tumutukoy sa Balay Rehabilitation Center
* binasa sa munting programang isinagawa roon ang ikalawa hanggang ikalimang saknong ng tulang ito

Sa mga bagong pangalan sa Bantayog

SA MGA BAGONG PANGALAN SA BANTAYOG

taaskamaong pagpupugay sa lahat
ng mga bagong pangalang iuukit
doon sa Bantayog ng mga Bayani
sa Nobyembre ng taon kasalukuyan

Nolito H. Acebedo
Nonito A. Aguirre Sr.
Alex Boncayao
Jorge L. Cabardo
Ma. Leticia T. Celestino
Susan Fernandez
Yolanda H. Gordula
Bartolome S. Pasion
Francisco Portem
Roger C. Salas
Carlito R. Semilla

dalawa sa kanila'y naisulat ko
tula't talambuhay ni Alex Boncayao
higit isang dekada nang nakaraan
at ang librong sinalin ko sa Tagalog:
talambuhay ni Bartolome S. Pasion

pagpupugay sa mga bagong bayani
nakibaka sa maling pamamahala
lumaban sa mabangis na diktadura
lumaban upang baguhin ang sistema

ang pagkaukit ng kanilang pangalan
ay palatandaan ng kabayanihan
at ganap na pagkilala nitong bayan
sa nangarap ng makataong lipunan

O, sa inyo, na aming bagong bayani
ang inyong laban ay tinutuloy namin
hanggang makataong lipunan ay kamtin
pagsasamantala'y tuluyang pawiin

tungo sa makataong kinabukasan
walang pang-aapi sa sangkatauhan
mabuhay kayo, mga bayaning hirang
sa inyo'y taospusong pasasalamat

- gregoriovbituinjr.
11.28.2025